Tots Carlos Finals MVP! Alyssa Valdez, Creamline kinana 7th korona sa PVL

HAIL to the Queen!

Sinandalan sa mga huling bahagi ng deciding fifth set si three-time conference MVP Alyssa Valdez matapos bumanat ng importanteng limang puntos upang dalhin sa ikapitong kampeonato ang Creamline Cool Smashers para suportahan ang pamamayani ni Finals MVP Diana Mae “Tots” Carlos at Jessica Margaret “Jema” Galanza sa pagdaig sa sister-team na Choco Mucho Flying Titans sa iskor na 22-25, 25-20, 29-27, 24-26, 15-12 sa Game 2 ng best-of-three championship ng second All-Filipino Conference, Sabado ng gabi, sa sinugod ng 24,459 fans na Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Bukod sa pagdepensa sa kanilang korona ay nagawa ring manatiling undefeated ng Cool Smashers sa kabuuan ng torneo matapos makuha ang 11-0 sa preliminaries at 2-0 sa semifinals at 2-0 sa final round na nabuo ng matibay na pagsasama at pagmamahal sa isa’t isa na siyang naging sandalan tungo sa matagumpay na koponan sa pro-league.

“I think the strength of this team, being one of the premier team is our bond, our love for each other, and we’re always here for each other, hindi lang kami pati mga fans na sumusuporta sa amin manalo man o matalo,” wika ni Valdez na tumapos ng kabuuang walong puntos, kung saan lima rito ay binanat sa fifth set.

Sangkaterbang bomba kaliwa’t kanan naman ang binitawan ni Finals MVP Carlos na tumapos ng team-high 26 puntos mula lahat sa atake na sinundan ni second Best Outside Hitter Galanza sa 21 points mula sa 18 atake, dalawang blocks at isang ace, kasama ang 20 excellent receptions at siyam na excellent digs, habang nag-ambag rin si Bernadeth Pons ng 14 points at first middle blocker awardee Jeanette Panaga sa 11.

Mayroon namang ambag na 22 excellent sets si Kyle Negrito at double-double ni Kyle Atienza sa 14 receptions at 11 digs.

“Siguro iyung love namin sa isa’t isa ang nagbibigay sa amin ng magandang pagsasama [and] ayaw naming masayang ang pagod, namin kaya one point at a time kasi ‘di naman makukuha sa mabilisan lahat,” pahayag ni Galanza na todo ang papuri kay Valdez na malaki ang paghanga rito dahil sa matinding lider. “Tiwala kami kay Ate Ly, sabi ko iyung leadership niya ‘di mapapantayan, kaya solid idol.”

Nasayang naman ang bagong Finals scoring record ni Cherry Ann Rondina na 33 points mula sa 29 atake, tatlong blocks at isang ace, kasama ang siyam na receptions at pitong digs, kung saan hinirang na conference All-Filipino Conference MVP. Sumegunda naman si Maddie Madayag sa 16 points mula sa 13 atake at Katrina Tolentino sa 15 points.

Nakipagsanib-pwersa si Rondina kina Tolentino at Madayag upang sagupain ang pagsubok na hatid ng Creamline sa panimulang set upang ibanat ang 18 puntos mula sa atake at dalawang matitinding blocks at aces upang matabunan ang pitong errors na nagawa sa unang set.

Rumatsada naman ng 8-0 run ang Creamline sa pagbanat sa opensa at depensa nina Carlos at Galanza upang maitabla ang laro sa 1-1. Mula sa 20-17 na bentahe ng Choco Mucho sa magkasunod na hambalos ni Caitlyn Viray, nagsimulang bumanat sina Carlos at Galanza upang patirikin ang iskor ng Flying Titans kasunod ng 15 kabuuang atake, limang blocks at isang ace sa second.

Sumandal ang Cool Smashers kina Carlos at Pons sa third set para igiya ang 22 puntos galing sa atake na siyang pangunahing dahilan ng panalo, habang nanindigan sa kanilang blocking at service aces ang Choco Mucho upang magawang mapwersa ang do-or-die deciding fifth set.

Ginawaran namang first Outside Hitter si Chery Tiggo Crossover rookie spiker Ejiya “Eya” Laure, habang nakuha nina Angelica “Gel” Cayuna ang panibagong Best Setter award at kakampi nitong si Marivic “Ria” Meneses bilang first Middle Blocker ng Cignal HD Spikers. Napunta naman ang Best Opposite Hitter award kay Michele Gumabao ng Creamline at Best Libero kay Thang Ponce ng Choco Mucho. (Gerard Arce)

The post Tots Carlos Finals MVP! Alyssa Valdez, Creamline kinana 7th korona sa PVL first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments