Bumalik sa El Nido, Palawan ang convoy ng mga sibilyan na barko na magdadala sana ng pamasko at supply sa mga mangingisdang Pilipino at sundalo sa West Philippine Sea (WPS) matapos buntutan ng mga barko ng China, ilan dito ay Chinese Navy.
“Erring on the side of caution, Atin Ito, in consultation with the Philippine Coast Guard (PCG), agreed to return to El Nido, Palawan after the constant shadowing of four Chinese vessels,” ayon sa statement ng Akbayan Party na inisyu nitong Linggo nang hapon.
Ang pangunahing barko ng convoy, ang MV Kapitan Felix Oca, ay sinundan umano ng dalawang barko ng Chinese Navy, isang China Coast Guard at isang Chinese cargo ship.
Nagsimula silang buntutan ng mga ito dakong alas-3:40 nang hapon sa katimugang bahagi ng Kayumanggi Bank.
Umalis ang ‘Christmas convoy’ sa El Nido nitong Linggo nang madaling-araw at planong magtungo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Nagbago ang kanilang ruta at magtutungo na lang sana sa Lawak Island pero binuntutan ng mga barko ng China.
Nitong Linggo rin ay nakaranas ng matinding pangha-harass ang mga barko ng Pilipinas mula sa China habang nagsasagawa ng regular rotation at resupply mission sa Ayungin Shoal sa WPS.
Binomba ng tubig ng China Coast Guard ang barko ng Philippine Coast Guard at dalawang civilian vessel. Binunggo pa umano ng CCG vessel ang Unaizah Mae 1, habang ang M/L Kalayaan ay nasiraan ng makina sa matinding buhos ng tubig kaya kinailangang hatakin pabalik ng Palawan.
Layon ng Atin Ito coalition na ipakita ang kalagayan ng mga mangingisdang Pilipino at mga sundalo sa BRP Sierra Madre para lamang maipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas.
The post WPS convoy sinindak ng China navy first appeared on Abante Tonite.
0 Comments