MMDA enforcer nabangga ng sinitang driver sa EDSA Busway

Sugatan ang isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos itong mabangga ng pinipigilan niyang driver ng Honda City na pumasok sa EDSA Busway sa Quezon City kahapon nang umaga.

Sa ulat, binabaybay ni Jefferson Villaruel lulan ng kanyang motorsiklo ang southbound lane ng EDSA nang mamataan niya ang puting Honda City na papasok sa busway sa Cubao area na ipinagbabawal sa mga pribadong sasakyan bandang alas-singko nang umaga.

Sinundan ito ni Villaruel at saka sinenyasan na lumabas ng busway.

Sumunod naman ang driver ng Honda na nakilalang si Mark Anthony Bagtas na may sakay na dalawang babae pero ilang sandali lang at muli nitong sinubukang pumasok sa busway.

Para pigilan ito, nauna sa harap ng kotse ang enforcer pero bumangga ito sa kaniyang motorsiklo malapit sa main avenue EDSA Carousel.

Tumilapon si Villaruel mula sa kaniyang motorsiklo habang tuloy-tuloy namang inararo ng kotse ang ilang traffic barrier at concrete center island.

Samantala, ikinatuwiran ni Bagtas na sinubukan niyang iwasan ang MMDA enforcer kaya bumangga ang kaniyang sasakyan sa mga barrier.

Inamin din niya na nakainom siya ng alak nang mangyari ang insidente.

Isinailalim na ang enforcer sa medical examination habang inihahanda na ang mga kaso laban sa driver ng Honda.

(Dolly Cabreza)

The post MMDA enforcer nabangga ng sinitang driver sa EDSA Busway first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments