Paslit inakalang manikin, todas sa praning

Nasawi ang isang pitong-taong gulang na batang babae habang sugatan ang kanyang kalaro matapos silang igapos, sakalin at bugbugin ng lalaking may karamdaman sa pag-iisip na inakalang mga manikin umano ang mga ito noong Sabado sa Sariaya, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Jonalyn Alpuerto, grade 1 student at Angelica Mae Rogelio, 8-anyos, grade 3 at kapwa residente ng Barangay Mornong sa nasabing bayan.

Batay sa report ng Sariaya police, naglalaro ang dalawang bata sa harap ng kanilang bahay nang lapitan sila ng suspek na si Alyas Pocholo at sinabing pinapasundo sila ng nanay ni Angelica.

Sumama ang dalawang bata pero sa halip na sa bahay nina Angelica, dinala sila ng suspek sa magubat na lugar sa Barangay Pili at saka ginapos ng dahon ng buli.

Habang nakagapos ang mga bata, pinagsusuntok at saka sinakal ng suspek ang mga biktima hanggang mawalan ng malay ang mga ito.

Nang magising si Angelica, nakawala ito sa gapos at saka tumakbo patungo sa bahay nina Jonalyn para humingi ng tulong sa tatay nito.

Pagdating sa lugar, naabutan nilang wala ng buhay si Jonalyn.

Agad nagsagawa ng manhunt operation ang Sariaya police at nahuli ang suspek na isinuko ng kanyang mga magulang sa tanggapan ng barangay.

Ayon kay Sariaya police Chief Police Major Romar Pacis, inamin ng suspek ang kanyang ginawang krimen.

Lumabas din sa pagsisiyasat na hindi ginahasa ang dalawang biktima.

Ayon sa suspek, biglang naging mga manikin ang tingin niya sa dalawang bata habang sinasaktan niya ang mga ito.

Napag-alaman na ang suspek ay may karamdaman sa pag-iisip at biglang nagbabago umano ang pag-iisip nito hanggang mawala sa kanyang sarili.

Nakakulong na ito ngayon sa Sariaya Municipal police station at sasampahan ng kasong murder at frustrated murder.

(Ronilo Dagos)

The post Paslit inakalang manikin, todas sa praning first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments