Traslacion 2024 kasado na

Kasado na ang lahat ng paghahanda para sa Traslacion 2024 sa Quiapo, Maynila bukas, Enero 9.

“It’s all systems go for the celebration of the Feast of the Black Nazarene,” pagtiyak ni Manila Mayor Honey Lacuna kaugnay sa plantsado ng seguridad sa inaabangang prusisyon ng Poon ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand pabalik sa simbahan ng Quiapo.

Ayon kay Lacuna, personal niyang sinilip ang lahat ng paghahandang ginawa ng Manila Police District (MPD) at mga departamento sa Manila City Hall na kasali sa preparasyon para sa Traslacion.

Samantala, sinabi ni MPD Acting Director PLt Col Thomas Ibay na may kabuuang 15,000 pulis ang ikakalat para sa mga aktibidad na may kaugnayan sa pista ng Itim na Poong Nazareno lalo at ito ang unang ‘Traslacion’ na gagawin matapos na tumama ang COVID-19 pandemic sa buong mundo noong 2020.

Ininspeksiyon rin ni Lacuna ang itinayong medical post sa Kartilya ng Katipunan na tutugon sa mga nangangailangan ng emergency treatment ng mga debotong lalahok sa prusisyon.

Kabilang dito aniya ang 30 kama para iba’t ibang kaso gayundin ng incident command post na mag-oorganisa sa deployment ng 1,000 tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), 34 fire truck, 46 ambulansya, 10 rescue boat, anim na utility vehicle at 12 K9 unit.

Noong Sabado, pinangunahan rin ni Lacuna ang send-off ceremony para sa 15,276 police, security at safety personnel para sa payapa at maayos na Traslacion.

Itatalaga ang mga ito sa paligid ng Quirino Grandstand, Quiapo Church at mga ruta ng prusisyon.

Noong isang taon, sa halip na Traslacion ay Walk of Faith ang isinagawa ng simbahan kung saan dinaluhan ito ng nasa 90,000 deboto na naglakad sa planadong ruta sa loob ng dalawa at kalahating oras.

(Juliet de Loza-Cudia)

The post Traslacion 2024 kasado na first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments