PBBM kabado sa remittance ng mga OFW

Target ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makawala ang Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF) pagsapit ng Oktubre 2024.

Sa social media post ng Pangulo, sinabi nitong inatasan niya ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na pabilisin ang mga hakbang at paigtingin ang mga aksiyon laban sa money-laundering at counter-terrorist financing.

Nais ng Presidente na kasuhan ang mga mahuhuling lumabag sa money laundering at mga nagpopondo para sa mga teroristang grupo sa bansa.

“We’re targeting our exit from the FATF grey list by October 2024.We’ve directed the AMLC to accelerate action plans to combat money laundering and counter-terrorist financing, and to file cases against violators,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ng Pangulo na isinaalang-alang ng gobyerno ang kapakanan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na maapektuhan kapag nalagay sa black list ang Pilipinas.

Kapag nangyari ito, mahihirapan ang mga OFW na makapagpadala ng kanilang remittance sa kanilang pamilya, tataas ang bayad sa pagpapadala at mas maraming dokumento ang hihingin sa mga ito bago maaprubahan ang padala sa pamilya.

“We’re committed to safeguarding our OFWs by making their transactions safer, reducing costs, and easing regulatory burdens to support them,” dagdag ng Pangulo.

Naunang inihayag ni AMLC Executive Director Matthew David na inatasan sila ng Presidente na ilarga ngayong Enero ang action plans at tapusin agad upang maalis ang Pilipinas sa grey list ng FATF.

(Aileen Taliping)

The post PBBM kabado sa remittance ng mga OFW first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments