E-vehicle, tricycle, pedicab kasado ban sa April

Arangkada na simula sa Abril ang travel ban sa mga electric vehicle (e-bike at e-trike), tricycle, pedicab, kuliglig, at maging ang kariton sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Inaprubahan ng Metro Manila Council ang isang resolusyon upang ipagbawal sa mga naturang sasakyan na bumiyahe sa mga national road, circumferential at radial roads sa National Capital Region (NCR).

Nasa 19 na pangunahing lansangan na nasa ilalim ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tinukoy na bawal dumaan ang mga naturang sasakyan.

Kabilang dito ang mga sumusunod: C1: Recto Avenue, C2: Pres. Quirino Avenue, C3: Araneta Avenue, C4: EDSA, C5: Katipunan/CP Garcia, C6: Southeast Metro Manila Expressway, R1: Roxas Boulevard, R2: Taft Avenue, R3: SLEX, R4: Shaw Boulevard, R5: Ortigas Avenue, R6: Magsaysay Boulevard/Aurora Boulevard, R7: Quezon Avenue/Commonwealth Avenue, R8: A. Bonifacio Avenue, R9: Rizal Avenue, R10: Delpan/Marcos Highway/McArthur Highway, Elliptical Road, Mindanao Avenue, at Marcos Highway

Ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes, papatawan ng multa na P2,500 ang mga lalabag sa bagong patakaran laban sa mga naturang sasakyan.

Obligado na rin kumuha ng driver’s license ang mga nais magmaneho ng electric-powered motor vehicles at e-tricycle.

Kapag walang maipakitang lisensiya ang nagmamaneho ng e-vehicle ay mai-impound ang kanyang sasakyan.

Ipinaliwanag pa ni Artes na pangunahing ikinonsidera sa naaprubahang resolusyon ang kaligtasan hindi lamang ng mga gumagamit ng e-vehicle kundi maging ang iba pang motorista.

Nilinaw pa ng MMDA chief na hindi naman nila ipinapatupad ang total ban sa paggamit ng e-vehicle kundi isinailalim lamang ang mga ito sa regulasyon dahil nagiging sanhi na rin ng trapik at mga aksidente sa lansangan.

Ayon sa MMDA, nakapagtala sila ng 554 insidente ng road crash noong 2023 kung saan ay sangkot ang mga e-vehicle.

The post E-vehicle, tricycle, pedicab kasado ban sa April first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments