Erwin Tulfo dinikdik mga governor, mayor, PNP sa illegal gambling

Ipapatawag ng House committee on public order and safety ang lahat ng regional director ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng talamak umanong ilegal na sugal sa bansa.

Sa pagdinig nitong Lunes, Marso 4, isinalang ang House Resolution No. 1549 na akda ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo kaugnay ng talamak umanong ilegal na sugal sa Calabarzon o Region 4-A.

Pero sa halip na ituon lamang ang atensyon sa Region 4-A, itinulak ni Tulfo na isama na ang lahat ng police regional director.

“We’re talking of illegal gambling Mr. Chair, I suggest that we call all of the regional directors. Kasi ang gambling po ay masyadong proliferated na sa bansa,” sabi ni Tulfo.

Sumang-ayon naman ang chairperson ng komite na si Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez.

“We have to compare what is happening in Region 4A (Calabarzon) and what is happening in different parts of this country. For that, we will be allowing your motion that we need to invite all the regional directors but insofar as the resolution that I filed is concerned,” sabi ni Fernandez.

Ayon kay Tulfo, nagpapatuloy ang operasyon ng ilegal na sugal dahil pinapayagan ito ng mga politiko.

“Kahit anong gawin nating ‘yaw-yaw’ dito kung hindi naman matigil ito, wala ring mangyayari rito. Bata pa lang ako nag-iimbestiga na ang Kongreso at Senado ng illegal gambling wala namang nangyayari. So, we must do something about it kasi napakalala na talaga ng pasugalan,” sabi ni Tulfo.

Naniniwala si Tulfo na hindi makakapag-operate ang ilegal na sugal ng walang pahintulot ng mga lokal na opisyal.

“Itong mga pulis na ito administratively ay still under the power of the mayor. `Pag sinabi po ng mga mayor na I don’t like it wala po talaga `yan. Marami naman pong mga cities at municipalities sa atin na walang pasugalan because ayaw ng mga mayor ayaw ng governor. Kapag inayawan `yan titigil po `yan,” dagdag pa ni Tulfo.

Sumegunda naman sa kanya si Iligan Rep. Celso Regencia, na tatlong beses na naging mayor ng Iligan City.

“Totoo po `yung sinasabi ni Cong. Erwin Tulfo na kung hindi po papayagan ng mayor `yung pasugalan ay talagang titigil po `yun. Kasi sa pulis kung hindi ka papayag sa gusto ng politiko, immediately gagawan ka ng order na ipa-relieve ka sa position mo,” sabi ni Regencia.(Billy Begas/Eralyn Prado)

The post Erwin Tulfo dinikdik mga governor, mayor, PNP sa illegal gambling first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments