Hindi umano “secret deal” ang naging kasunduan ng bansa sa China tungkol sa BRP Sierra Madre, ayon kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque.
Sa panayam sa “Politiko” kay Roque, sinabi niyang kaya binobomba ng water cannon ang mga barko ng Pilipinas ay dahil hindi sumusunod ang bansa sa kasunduan sa China.
“Hindi po siya secret deal. Iyan po ay talaga namang sinapubliko naman po ni dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, na ang kasunduan nila status quo,” wika ni Roque.
“Walang gagalaw, walang maggagawa ng kahit anong improvements at walang magiging problema. Pagdating po sa Ayungin ang usapan talaga dahil dito sa status quo agreement ng Pilipinas at ng China sa panahon ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte, tubig at pagkain lang ang dadalhin doon sa Sierra Madre.
“Pero ang reklamo ng China ngayon ay taliwas doon sa naging kasunduan noong nakaraan… nagdadala sila ng mga repair equipment para ayusin ang Sierra Madre kaya ganyan ang naging reaksiyon ng China,” patuloy pa niya.
Dagdag pa niya, “Siguro pagkakamali ng China, ang China kasi hindi pumapasok sa kasunduan sa mga personalidad at kanilang pinapasok ang kasunduan sa panig ng mga gobyerno. Hindi naman ‘ata sumang-ayon ang Presidente BBM sa ganitong usapin. Ang akala lang nila ay dahil kasunduan ‘yan na na-reach sa pinakamataas na level, ng president at ng secretary ng Foreign Affairs eh binding on the Philippines.”
Tingin daw ni Roque, kung patuloy pang magpapadala ng construction at repair materials sa BRP Sierra Madre ay maaaring lalo pang maging agresibo ang China. Aniya, dapat gamitan ng gobyerno ng diplomasya ang China.
Samantala, sinabi rin ni Roque na ang kasunduang tanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin ay nangyari sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada at hindi ni Duterte. (Issa Santiago)
The post Roque ‘kumanta’: Digong may deal sa Beijing first appeared on Abante Tonite.
0 Comments