Umapela ang isang mambabatas sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na magbigay ng tax credit sa mga supermarket at iba pang retail outlet kapalit ng ibibigay nilang mas malaking diskuwento sa mga senior citizen at person with disability (PWD).
Sinabi ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na ang pagbibigay ng tax credit ay titiyak din na susunod ang mga retail outlet sa pagbibigay ng mas mataas na diskuwento na inaasahang maipatutupad bago matapos ang buwan.
Ayon kay Villafuerte, malaki ang maitutulong sa mga senior citizen at PWD ng mas malaking diskuwento na mula P65 kada linggo o P260 kada buwan ay gagawing P125 kada linggo o P500 kada buwan.
Hiniling ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. at Philippine Retailers Association sa gobyerno na lumikha ng state funding mechanism o magbigay ng tax credit upang hindi lubhang maapektuhan ang mga retail outlet.
Giit ng mga negosyante na mahihirapan ang mga maliliit na retailer na saluhin ang mas mataas na diskuwento at maaaring magresulta ito sa pagtataas ng presyo ng mga batayang bilihin upang mabawi ang ibibigay na diskuwento.
(Billy Begas/Eralyn Prado)
The post Tax credit ng mga supermarket hinirit sa senior, PWD discount first appeared on Abante Tonite.
0 Comments