Pinuna ng House Committee on Appropriations ang paggamit ng pondo ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2022, 2023 at 2024.
Sa oversight hearing ng komite kamakalawa kaugnay sa budget performance ng DepEd, inamin ng kagawaran na 95% ng kanilang badyet noong 2023 ang nagamit habang ang nalalabi ay nananatili umano bilang “continuing appropriation”.
Bukod dito, ang computerization program ng DepEd ay may unobligated allotment na P10.260 bilyon habang P867 milyon naman para sa mga textbook ang nananatili ring unobligated.
Dahilan upang punahin ito ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, chairperson ng komite, sa pagsasabing ang DepEd ang binibigyan ng malaking badyet at maliit man ang porsiyentong hindi magagamit ay mayroong malaking epekto sa programa ng departamento.
Bukod dito, napuna rin ni Baguio Rep. Mark Go ang mababang procurement performance ng DepEd noong 2022 na umabot lamang sa 12.37%.
Depensa naman ni DepEd Undersecretary Gerardo Chan, tuloy-tuloy na hinahabol nila ang procurement plans ng kagawaran.
Sa katunayan aniya, noong 2023, nai-award na ng DepEd ang 54.82% ng mga item na nakalista sa kanilang Annual Procurement Plan (APP) habang sa 2024, nai-award na umano ang kontratang nagkakahalaga ng P23.58 bilyon o katumbas ng 71.37% procurement performance. (Eralyn Prado)
The post House panel sinita DepEd sa badyet first appeared on Abante Tonite.
0 Comments