BBM nawindang sa talamak na problema ng NCR sa basura

Lumutang sa malawakang pagbaha dulot ng bagyong Carina na sinabayan ng habagat ang talamak na problema ng National Capital Region (NCR) sa basura.

Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. pinagsabihan ang mga taga-Metro Manila na sundin ang tamang pagtatapon ng basura upang maiwasan ang mga pagbaha.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos bumisita sa Navotas at Valenzuela nitong Huwebes, Hulyo 25, kung saan personal niyang nakita ang sitwasyon ng mga mamamayan na apektado ng matinding pagbaha.

“Sana matuto na `yung tao, huwag naman kayong nagtatapon ng basura dahil `yung basura ang nagbara dun sa mga pump natin, kaya hindi kasing-effective na,” wika ng Pangulo.

Marami aniyang pumping stations sa Navotas at Valenzuela subalit hindi kinayang mailabas agad ang tubig dahil sa mga nakabarang basura.

Sa pag-iikot ng DWAR Abante Radyo sa NCR nitong Huwebes, nasaksihan ang sitwasyon sa ilang lugar gaya sa Quezon City kung saan matapos humupa ang baha ay bumungad naman ang tambak ng basura sa Kaliraya Street.

Naging abala naman ang mga residente ng Barangay 595, Zone 59 sa Sta. Mesa, Maynila sa paglilinis matapos na lumubog ang kanilang lugar sa baha.

Bukod sa nagkalat ang mga putik, nakita rin ang mga basura kaya nahihirapan maglakad ang mga tao sa madulas na kalsada. (Aileen Taliping/Anthony Sigua/Migo Fajatin)

The post BBM nawindang sa talamak na problema ng NCR sa basura first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments