P2 dagdag-pasahe sa jeep hinirit

Posibleng isulong ng transport groups na kabilang sa Magnificent 7 ang P2 dagdag-pasahe sa mga jeepney.

Sa programang ‘Bardagulan sa Radyo’ rito sa Abante Radyo, sinabi ni Pasang Masda President Obet Martin na magpupulong sila ngayong Miyerkoles upang maisapinal ang desisyon kung isusulong ang nasabing dagdag-pasahe.

“Bukas (Miyerkules) tayo ay may pagpupulong sa Magnificent 7 at aming ipa-finalize kung kami ay magpa-file ng formal petition for fare increase,” paglalahad ni Martin.

“Kailangan ko ng suporta ng mayorya ng ating kasama,” dagdag ng lider ng Pasang Masda.

Ayon kay Martin, P1.50 hanggang dalawang piso ang maaari nilang ihirit na pagtaas ng pamasahe. Posible rin nilang hilingin ang provisional increase na P1 at aalisin din kapag bumaba na ang presyo ng gasolina at diesel.

Ibinahagi pa ni Martin na kahit sunod-sunod ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ay hindi nila intensiyon ang pahirapan ang mga pasahero sa pagtaas ng pamasahe.

Dagdag pa niya, batid din kasi nila ang hinaing ng mga ordinar¬yong manggagawa sa mababang halaga ng naaprubahang dagdag sa suweldo.

“Ayaw din nating masaktan ang ating mananakay. Siyempre, may problema sa labor ngayon, ‘yung wage eh napakababa. Eh binabalanse lang natin para sa kapakanan ng ating mananakay na siyang bumubuhay sa aming operator at driver,” wika ni Martin.

Ang minimum na pasahe ngayon ay P13 sa traditional jeepney at P15 naman sa modernized jeepney. Kung maaaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon sa fare increase, magiging P15 na ang pamasahe sa traditional at P17 naman sa modern jeepney.

The post P2 dagdag-pasahe sa jeep hinirit first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments