Dinagsa ng maraming tawag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa mga lokal na opisyal ng mga lugar na hinagupit ng bagyong Carina upang humingi ng relief packs para sa kanilang mga kababayan.
Sinabi ng Pangulo na agad na aasikasuhin ang pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan upang makarating agad ang tulong ng national government para sa mga mamamayang nasalanta ng bagyong Carina.
Aatasan ng Pangulo ang Department of Budget and Management (DBM) para maglabas ng pondo upang may magamit ang mga lokal na opisyal para matulungan ang kanilang mga mamamayan na apektado ng bagyo.
“Marami ng tumawag sa akin kaninang umaga pa. So we will put them altogether so that we can go to DBM and tell them to release this already para magamit na ng ating mga local officials,” wika ng Pangulo.
Nag-inspeksyon si Pangulong Marcos sa mga sinalanta ng bagyo sa Valenzuela City at Navotas nitong Huwebes, Hulyo 25, at mag-iikot pa umano sila sa iba pang lugar sa bans ana dinaanan ng bagyong Carina para tingnan kung ano ang pangangailangan ng mga tao mula sa dinanas na matinding pagbaha.
Samantala, sa situation briefing sa Malacañang Park Huwebes ng umaga, iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mahigit kalahating milyong food packs na ang naipadala sa iba’t ibang lugar na tinamaan ng bagyo at magpapatuloy ang pamamahagi ng relief goods hanggang sa makabalik sa normal na buhay ang mga mamamayang nasalanta ng kalamidad. (Aileen Taliping)
The post PBBM kinulit ng mga mayor sa ayuda first appeared on Abante Tonite.
0 Comments