DENR, DOST, PCG bantayan Bataan oil spill – PBBM

Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ahensiya ng pamahalaan upang bantayan ang oil spill mula sa lumubog na tanker sa karagatang sakop ng Bataan.

Partikular na inatasan ng Pangulo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Science and Technology (DOST) at Philippine Coast Guard (PCG) para tingnan ang posibleng epekto nito sa kapaligiran.

May karga na 1,494 tonelada ng industrial fuel ang MT Terra Nova na lumubog sa karagatang sakop ng Limay, Bataan

Sinabi ng Pangulo na dapat matukoy ang eksaktong lugar kung saan lumubog ang tanker upang maagapan ang pagkalat ng langis na karga nito.

Inutos ni Pangulong Marcos sa tatlong ahensiya na ibigay ang makukuhang impormasyon sa mga awtoridad upang matugunan ang problema sa oil spill, pati na ang posibleng epekto nito sa kapaligiran.

“What we need to assess is where was the capsized vessel? The fuel is being released, what are the tides? What are the winds? Where is it headed para maunahan na natin. We need some determinations of that,” dagdag ng Pangulo.

Batay sa ulat ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa Pangulo, nailigtas ang 16 na crew ng tanker pero may isa pang nawawala matapos itong lumubog Huwebes ng madaling-araw.

Hindi aniya agad makapagpadala agad ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard dahil malalaking ang alon sa dagat at malakas pa ang hangin. (Aileen Taliping)

The post DENR, DOST, PCG bantayan Bataan oil spill – PBBM first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments