Sa ginawang pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI), hindi ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ang nasa viral video na gumagamit ng ilegal na droga dahil iba ang tenga nito.
Sa isang press conference nitong Martes, ipinaliwanag ng NBI, Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Justice (DOJ) na malaki ang kaibahan ng mukha ng lalaki kumpara sa mukha ni Pangulong Marcos sa isinagawa nilang digital forensic analysis sa kumalat na video.
“From the two photos that were presented spectral analysis, you can see the ears that are embossed. But here it’s not embossed. It means that it’s not the same,” paliwanag ni Dr Joseph Cruz, NBI Medico Legal Division.
Sa pamamagitan ng image processing authentication, nakitang kamukha lang ng lalaki ang pangulo. Patuloy pa ang imbestigasyon kung sino ang gumawa ng video at kung sino ang lalaki sa video.
“We can’t say if its AI or a real person. But definitely he is not the president,” sabi naman ni DOJ Undersecretary Jesse Andres.
Maaari umanong ipatawag ng NBI at PNP ang mga nagpapakalat ng pekeng viral video ni Pangulong Marcos. Nagbabala pa sila na huwag ise-share sa mga kaibigan ang pekeng viral video.
Kinuwestiyon ng mga mambabatas ang intensyon ng pagkalat ng pekeng video na maaaring isinabay umano para masiraan si Pangulong Marcos sa mismong araw ng kanyang State of the Nation Address (SONA).
The post Tenga sa viral video hindi kay BBM – NBI first appeared on Abante Tonite.
0 Comments