Inaprubahan ng quad committee ng Kamara de Representantes ang paglabas ng show cause order laban kay Alberto Rodulfo Dela Serna, ang executive assistant ni dating Presidential spokesperson Harry Roque, at iba pang personalidad na may kaugnayan umano sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa pagdinig nitong Biyernes (Agosto 16) sa Bacolor, Pampanga, naghain ng mosyon si Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, chairperson ng House Committee on Public Accounts, upang maglabas ng show cause order sa mga inimbita na hindi dumating sa pagdinig.
Inaprubahan ito ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairperson ng House Committee on Dangerous Drugs at siyang nangunguna sa imbestigasyon ng quad committee.
Ang pangalan ni Dela Serna, isang pageant contestant na kumatawan sa Pilipinas sa 2016 Mister Supranational competition na ginanap sa Poland, ay lumutang matapos na makita ang pangalan nito sa mga dokumento na nakuha sa POGO hub sa Pampanga.
Wala rin si Roque sa pagdinig dahil haharap umano siya sa Manila Regional Trial Court (RTC).
Kasama sa show cause order sina Bamban, Tarlac acting Mayor Eraño Timbang at mga opisyal ng mga departamento ng lokal na pamahalaan; mga opisyal ng Hongsheng Gaming Technology Inc.; incorporators ng Baofu Land Corporation, kasama ang sinibak na si Bamban Mayor Alice Leal Guo. (Billy Begas)
The post Harry Roque aide, iba pa yari sa quad committee first appeared on Abante Tonite.
0 Comments