Isang malaking sampal sa mukha ng Philippine National Police (PNP) ang pagkabigong arestuhin ang puganteng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Senate President Francis `Chiz’ Escudero, kahiya-hiya ang PNP dahil nahihirapan silang isilbi ang arrest warrant laban isang kilalang personalidad na nahaharap sa malaking kaso.
“Medyo nakakahiya ang PNP dahil isa ito sa mga major na kaso na alam ng buong bansa at medyo sampal na sa kanila na hanggang ngayon ay hindi nila maipatupad `yung warrant of arrest laban sa apat na tao dahil nakuha na yata `yung isa,” sabi ni Escudero sa panayam sa radyo.
Ang tinutukoy ni Escudero ay si Paulene Canada, isa sa mga indibiduwal na may arrest warrant din at nadakip sa kanyang tirahan sa Davao City noong Hulyo 11.
“So ang tanong ko hinahanap ba talaga? Meron ba talagang galaw, hakbang at seryosong paghahanap dahil bakit siya nakuha sa bahay niya na parang normal naman ang buhay,” ani Escudero.
Gayunpaman, naniniwala si Escudero na ginagawa ng mga opisyal ang PNP ang lahat para maipatupad ang arrest warrant laban kay Quiboloy at iba pang opisyal ng KOJC na nahaharap sa mga kasong human trafficking, rape, sexual at labor abuse.
“Tingin ko nga marami sa ating opisyal sa kapulisan ay ginagawa ang lahat ng kaya nilang gawin pero masyado na rin kasing matagal,” sabi ni Escudero.
Samantala, tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na hindi pa nakakalabas ng bansa si Quiboloy.
Inihayag ito ng kalihim sa kabila ng mga ulat na posibleng nasa China na umano ang KOJC founder na nahaharap sa arrest warrant ng mga awtoridad.
Ayon kay Abalos, base sa mga ulat na kanyang natatanggap, nasa Pilipinas pa rin si Quiboloy.
Siniguro rin ng kalihim na sinusuyod ng mga awtoridad ang bawat sulok ng bansa para matunton si Quiboloy na nahaharap sa mga kasong child sexual abuse at human trafficking. (Dindo Matining/Andrea Salve)
The post PNP nakakahiya kay Pastor Apollo Quiboloy – Chiz Escudero first appeared on Abante Tonite.
0 Comments