Walong residente kabilang ang dalawang menor de edad ang pawang nasugatan matapos sumabog ang tangke ng liquified petroleum gas (LPG) sa Barangay 310, Sta. Cruz, Maynila kahapon, Setyembre 4.
Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga biktima na sina Torma Jesus, Marivie Gandol, Verlie Mae Salim, Johnny Factor, at Marilyn Sabas na pawang nagtamo ng second degree burns.
Samantala, si Jamaica Evangelista at dalawang menor de edad na may edad 16 at 3 taong gulang ay nagtamo naman ng mga paso sa katawan.
Sinabi ng mga awtoridad na nagsimula ang sunog alas-8:06 ng umaga sa ground floor ng isang residential structure matapos na sumabog ang tangke ng LPG.
Agad namang naapula ang apoy alas-8:15 ng umaga.
Sa imbestigasyon, nakita ng mga arson investigator na may depekto ang LPG bago ito sumabog.
Nasa stable naman nang kondisyon ang lahat ng nasugatang biktima. (VP)
The post 8 nalapnos sa pagsabog ng LPG first appeared on Abante Tonite.
0 Comments