“Kahit ilang multa pa ang abutin ko, hindi niya ako mapipigilang tumulong sa taumbayan.”
Ito ang matapang na pahayag ni Senator Jinggoy Estrada sa programang ‘Bardagulan sa Radyo’ kaugnay ng inilabas na ordinansa ng San Juan na magmumulta hanggang limang libong piso ang mag-aabot ng ayuda sa lungsod kung hindi daraan sa opisina ni Mayor Francis Zamora.
Ayon kay Estrada, anti-poor ang ganitong ordinansa at wala siyang balak na makipag-ugnayan kay Zamora sakaling mag-abot siya ng tulong sa mga residente ng San Juan.
“Sa ginawa nilang ordinansa, kawawa dito ‘yung mga biktima, nasalanta ng bagyo, nasalanta ng sunog at kung anu pa mang kalamidad. Biruin mo pupunta ka pa sa Office of the Mayor para humingi ng permit, tapos hindi puwedeng pumasok sa evacuation center kailangan ng entry permit, anong klaseng kalokohan iyan,” diin ni Estrada sa programang ‘Bardagulan sa Radyo’ ng Abante Radyo.
Nakasaad din umano sa ordina¬nsa ang pagpapatupad ng curfew sa evacuation centers mula alas-10:00 nang gabi hanggang ala-sais nang umaga.
Sagot ni Estrada, walang pinipiling¬ oras ang pagtulong at hindi ito pamumulitika.
Nakapanayam din sa nasabing programa si Mayor Zamora at nagpaliwanag ito na kailangan ang koordinasyon sa kanyang tanggapan pagdating sa pamamahagi ng ayuda dahil iniiwasan umano nila na mabigyan ng panis na pagkain ang kanilang mamamayan.
“Paano kung ang dala nilang pagkain ay expired? Paano kung panis na ‘yung pagkain na gusto nilang ipamahagi,” katuwiran ng alkalde.
Sa kabila nito sinabi nina Senator Estrada at Mayor Zamora sa programang ‘Bardagulan sa Radyo’ na bukas silang dalawa sa pakikipag-ayos sa isa’t isa.
The post Estrada, Zamora bardagulan sa ayuda first appeared on Abante Tonite.
0 Comments