Posibleng mag-isyu na rin ang quad committee ng Kamara de Representantes ng show cause order laban sa asawa ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi rin sumipot sa kabila ng subpoena na ipinadala sa kanya para dumalo sa pagdinig ng komite.
“Highly likely during the next hearing we will already move for a show cause order to Mrs. Mylah Roque why she does not want to appear in our committee,” ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.
Kailangang magpaliwanag ng isang indibiduwal na inisyuhan ng show cause order kung bakit hindi siya dapat i-cite in contempt dahil sa pagbalewala sa patawag ng Kamara.
Sinabi ni Pimentel na inimbitahan si Gng. Roque sa pagdinig ng quad committee dahil ito umano ang pumirma sa lease contract ng mga Chinese national na dawit sa operasyon ng Philippine Offshore and Gaming Operators (POGO) na nasakote sa sinalakay na bahay sa Benguet.
Samantala, sinabi ni Pimentel na asahan na rin ang pag-isyu ng Hold Departure Order (HDO) laban kay Pimentel dahil itinuturing na umano ito ngayon bilang isang pugante matapos na magtago mula pa noong nakaraang linggo.
Ani Pimentel, kapag hindi pa rin dumalo sa pagdinig ng quad committee ngayong Martes, Setyembre 17, si Roque ay asahang may maghahain ng mosyon para hilingin ang pa-isyu ng HDO laban sa kanya.
“Since Friday he’s into hiding, we already consider him as a fugitive,” ayon kay Pimentel sa hiwalay na panayam sa telebisyon.
Kasama ng Office of the Sergeant-At-Arms ng Kamara ang Philippine National Police (PNP) sa pagtugis kay Roque.
Na-contempt si Roque matapos na hindi sumipot sa pagdinig ng komite at bigong isumite ang kopya ng kanyang State of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at iba pang dokumento na may kinalaman sa kompanya ng kanyang pamilya na Biancham, at ang deed of sale sa 1.8 hectares property sa Parañaque.
Roque lumutang sa FB
Lumabas naman ang isang video ni Roque sa Facebook page nito kung saan mariing itinanggi ng dating presidential spokesperson na isa na siyang pugante dahil wala pa naman umanong naisasampa na anumang kaso laban sa kanya.
“Unang-una ah, hindi po ako pugante sa batas…Ang contempt of Congress ay ikaw ay pinarusahan, ipinakulong ng Kongreso. Pero wala po akong batas na nilabag,” giit ni Roque.
“Ang kaso ko lang po ay dahil nga po ayaw kong ibigay ‘yung mga dokumento na wala namang kinalaman sa imbestigasyon ng POGO,” ani Roque. ““So ulitin ko po, hindi po ako pugante dahil lumabag ako sa batas. Pugante ako sa Kongreso lamang, wala po akong pakialam,” dagdag pa nito.
Binanggit pa nito na hinihintay niya ang desisyon ng Supreme Court bago isumite ang mga dokumentong hinihingi sa kanya. (Eralyn Prado)
The post Esmi ni Harry Roque kaladkad sa POGO first appeared on Abante Tonite.
0 Comments