Ethan Galang sinangkalan ng University of the East vs FEU

Mga laro sa Sabado

(Big Dome)

4:30 p.m. – NU vs UST

6:30 p.m. – ADMU vs ADU

Bumomba ng magkasunod na tres si Fil-Am Ethan Galang na tinapos ng dalawang krusyal na free throw upang bidahan ang University of the East na itumba ang Far Eastern University, 56-51, sa 87th UAAP Men’s Basketball Tournament elims nitong Miyerkoles ng gabi sa Big Dome.

Mula sa 47-51 na kalamangan ng FEU, nanatiling matatag ang Red Warriors nang isalpak ni Precious Momowei ang split free throw na sinundan ng tres ni Galang sa nalalabing 1:16 sa laro upang magtabla sa 51-all.

Nagka-turnover ang Tamaraws upang mabigyan ng pagkakataon ang UE na makagawa ng play, at sinundan ni Galang ng isa pang tres para dalhin sa 54-51 ang iskor sa nalalabing 25 segundo.

Binutata ni Momowei ang open layup ni Royse Alforque habang nagkaroon pa ng tsansa ang FEU na itabla ang laro, pero sablay sa dalawang tres si Jorick Bautista.

Tinuldukan naman ni Galang ng dalawang free throw ang laro para kunin ang 1-2 kartada ng Recto-based hoopsters at ibaon pa ang mga taga-Morayta sa 0-3.

Kumamada si Gjerard Wilson ng 10 puntos din gaya ni Galang sa pag-aalsa sa kanilang kampo.

Nasayang ang game-high 16 pts. ni Bautista.

Wagi rin ang University of the Philippines (3-0) kontra National University (1-2), 89-62, para tablahan sa taas ang De La Salle University. (Gerard Arce)

The post Ethan Galang sinangkalan ng University of the East vs FEU first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments