Tatalupan sa Kamara sa pamamagitan ng inihaing resolusyon ni House Deputy Majority Leader, ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang PHILSAGA Mining Corp. dahil umano sa paglabag sa mga karapatan ng mga Indigenous Peoples (IPs) sa kanilang ancestral lands sa Consuelo at San Andres sa Bunawan, Agusan del Sur.

Si Tulfo, kasama ang mga kinatawan sa ACT-CIS partylist na sina Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap, at Quezon City 2nd district Rep. Ralph Tulfo, ay maghahain ng resolusyon na humihikayat sa Komite ng Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples at Komite ng Natural Resources ng Kamara na magsagawa ng magkasanib na inquiry, in aid of legislation, sa pagpapalakas ng Republic Act 8371, o ang Indigenous Peoples Rights Act ng 1997 kaugnay ng RA 7942, o ang Philippine Mining Act.

Sa isang pahayag, sinabi ni Tulfo na nakatanggap ang kanyang opisina ng reklamo mula kay Mary Jane Rodrigo-Hallasgo at Amatorio Rodrigo na kumakatawan sa pamilyang Rodrigo ng Bunawan, Agusan del Sur, mga katutubong Manobo, na nagmamay-ari at naninirahan sa lupain sa Consuelo at San Andres, Bunawan, Agusan del Sur.

“Sumbong nila, inagawan na sila ng lupa ng nasabing minahan wala pa silang natanggap kahit magkano para sa kanilang komunidad,” ayon kay Tulfo.

“Hindi natin pwedeng payagan na maabuso ang karapatan ng ating mga kapatid na IPs dahil umpisa pa lamang ay ito na ang isa sa palagi nating binabantayan, ang mga karapatan ng ating mga katutubo. Kadalasan kasi ay wala silang boses lalo na laban sa malalaking kumpanya, kaya sa aming magkakapatid na Tulfo sila madalas lumalapit,” dagdag ni Tulfo.

Sa draft na resolusyon, iginiit ng mga mambabatas na kinikilala at pinoprotektahan ng Pilipinas ang mga karapatan ng mga indigenous cultural communities (ICC) sa kanilang mga lupang ninuno, at inaatasan ang estado na ipatupad ang mga prinsipyo ng repormang agraryo at stewardship sa pamamahagi ng mga likas na yaman, na may kaugnayan sa mga naunang karapatan ng mga katutubong komunidad.

“They (IPs) were denied their rights over their ancestral land, its natural resources and royalty shares from the mining operation conducted in their land,” ayon sa resolusyon.

“The mining operations of PHILSAGA Mining Corp. permanently deplete the resources of the ancestral land to the detriment of the rightful ICC/IPs who are entitled to royalty shares,” dagdag nito.

Batay sa mga ulat, sinabi ni Tulfo na alam ng mga opisyal ng nasabing kompanya ng minahan ang kasalukuyang isyu na kinasasangkutan ng pamilyang Rodrigo, lalo na dahil ang mga operasyon ng minahan ay isinasagawa sa Consuelo at San Andres, Bunawan kung saan nakatira ang pamilyang Rodrigo, ngunit patuloy pa rin na ibinibigay ang royalty shares sa mga sektor na kanilang kinontrata.

Dagdag pa ng resolusyon, mayroon pa ring ilang mga grupo ng ICC/IPs na mahihirap, walang kaalaman, at kapos sa pribilehiyo na walang access sa tamang tulong at madalas na naaabuso, na nangangailangan ng karagdagang proteksyon sa mga katutubo.

The post Karapatan ng mga IPs ipaglalaban sa Kongreso first appeared on Abante Tonite.