Malacañang kay ex-President Duterte: Mas safe ang mga tao ngayon

Sinupalpal ng Malacañang ang pahayag ni dating pangulong Rodrigo Duterte na nananatiling talamak ang krimen sa bansa.

Sa inilabas na pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin, binanggit nito ang record ng Philippine National Police (PNP) na nagpapatunay na bumaba ang bilang ng mga krimen sa buong bansa.

Aniya, taliwas ito sa sinabi ni Duterte sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, Oktubre 28.

“With due respect to former president Rodrigo Duterte- there is no truth to his statement that crime remains rampant in the country,” ani Bersamin.

Binigyang- diin ni Bersamin na nakamit ang katatagan at kapayapaan ng bansa ng hindi nasasakripisyo ang karapatan ng sinumang Pilipino.

Huli na rin aniya sa balita ang dating pangulo kaugnay sa anti-illegal drugs raid sa San Miguel, Manila dahil naaresto na ang suspek at tinutugis na ang kasabwat nito.

Patunay aniya ito na ang bansa ngayon ay mas nakakasiguro ng kaligtasan pati na ang kinabukasan ng mga Pilipino.

“All of this shows that our country is safer, our people are more secure, and our future more assured than ever before under the stewardship of President Ferdinand Marcos Jr.,” ani Bersamin.

Samantala, pumalag din si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pahayag ni Duterte na bumalik ang mga kriminal sa bansa nang matapos ang kanyang giyera kontra ilegal na droga noong 2022.

Ayon kay Remulla, taliwas sa mga sinasabi ni Duterte ang datos mula sa PNP na nagsasabing bumaba sa 324,368 ang total number ng mga naitalang krimen mula Hulyo 1, 2022 hanggang Enero 31, 2024, o 10.66% na pagbaba mula sa 363,075 na bilang ng mga krimen na naitala sa pagitan ng Disyembre 1, 2020 at Hunyo 30, 2022.

Nakitaan din umano ng malaking pagbaba sa bilang ng mga focus crime, kabilang dito ang rape (11.08%), physical injury (10.59%), robbery (2.26%), murder (10.17%), carnapping (23.27%), at homicide (0.91%). Pero nagkaroon naman ng bahagyang pagtaas sa bilang ng mga kasong pagnanakaw o 4.79%. (Aileen Taliping/Prince Golez)

The post Malacañang kay ex-President Duterte: Mas safe ang mga tao ngayon first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments