Quad Committee binara pasabog ng police colonel sa Senado

Hindi umano kailangan ng Quad Committee ng Kamara de Representantes ang testimonya ni Police Colonel Hector Grijaldo para mapatunayan ang reward system sa giyera kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte.

Sa eksklusibong panayam sa bagong daily program na “On Point” ni Pinky Webb sa Bilyonaryo News Channel (BNC) nitong Lunes, Oktubre 28, sinabi ni House Committee on Public Order and Safety chairperson at Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez na hindi siya ang may gusto na magsalita si Grijaldo kundi si dating Police Colonel Royina Garma.

Kaugnay ito sa pahayag ni Grijaldo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na tinangka umano siyang pilitin nina Fernandez at Manila Rep. Bienvenido Abante, ang chairperson ng House Committee on Human Rights, para sang-ayunan ang affidavit ni Garma kaugnay ng reward system sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Fernandez, sinabihan siya ni Garma na matutulungan ito ng kanyang kaibigan na si Grijaldo upang patotohanan ang kanyang supplemental affidavit kaugnay ng reward system at mga patayan sa Davao City.

Dahil dumalo sa pagdinig si Grijaldo, sinabi ni Fernandez na pinapunta ito sa kuwarto para kausapin. Naroon din umano ang dalawang abogado ni Garma at si House Committee on Human Rights chairperson at Manila Rep. Bienvenido Abante.

“Sinabi namin `Ito `yung affidavit, so ano dito `yung sinasabi ni Col. Garma na makakatulong ka sa kanya?’ Sabi n’ya hindi ko po alam `yan, wala po akong alam dyan. Eh kasi sabi ni Col. Garma alam mo daw yung reward. ‘Hindi po wala po akong alam dyan’,” kuwento ni Fernandez.

“O yung sa 1999 nasaan ka na? Sabi niya wala pa ho ako dyan. So ibig mong sabihin wala kang maitutulong kay Col. Garma, sabi n’ya wala po akong maitutulong, so we let him go,” dagdag pa ni Fernandez.

Sinabi ni Fernandez na hindi rin totoo ang sinabi ni Grijaldo na nandoon na ang mga abogado ni Garma ng dumating siya.

Ayon sa mambabatas, ang mga abogado ni Garma ang huling dumating at “ipinatawag pa namin `yung lawyer.”

Iginiit ni Fernandez na hindi nila kailangang puwersahin si Grijaldo na magbigay ng pahayag dahil hindi naman ito importante.

“We’ll never do that (coerce), you know why he’s not that important. Huwag siyang magpaka-importante dahil hindi namin siya kailangan,” giit ni Fernandez.

Ganito rin ang sinabi ng overall chairperson ng Quad Committee na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.

“Hindi naman importante si Grijaldo eh,” sabi ni Barbers.

“I don’t know anong objective bakit kailangan sabihin ni Col. Grijaldo na parang his making it appear that Cong. Dan wanted him to sign a document parang forcefully walang ganun,” sabi ni Barbers.

Ipinunto rin ni Barbers na ang mga humaharap na testigo sa Quad Committee ay pinagsusumite nila ng sinumpaang salaysay.

Samantala, itinanggi rin ni Abante sa hiwalay na pahayag nito ang mga sinabi ni Grijaldo.

“There is no truth to the accusations that I forced anyone to sign any affidavit in exchange for favors or the possibility of promotions,” sabi ni Abante sa isang Facebook post. (Billy Begas)

The post Quad Committee binara pasabog ng police colonel sa Senado first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments