Mga pekeng party-list binoldyak sa Kongreso

Naalarma ang grupong Gabriela sa naglipana umano na mga pekeng party-list na gustong makakuha ng puwesto sa Kongreso.

Ayon kay Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, sisirain lamang ng mga mga pekeng grupo ang layunin ng party-list system na nakadisenyo bilang boses ng mga marginalized sector.

“Nakakabahala ang paglipana ng mga pekeng party-list na ginagamit ng political dynasties, mga negosyante, at mga red-tagger para isulong ang kanilang pansariling interes,” babala ni Brosas.

Inihalimwba nito ang Epanaw Sambayanan Party-list na suportado umano ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), bitbit ang mga nominee tulad nina Atty. Marlon Busantog, Lorraine Badoy, at Jeffrey Celiz na pawang mga kilala umanong sangkot sa red-tagging activities.

“These individuals have continuously red-tagged progressive groups and individuals. Tatanggalan pa nila lalo ng boses ang mahihirap at inaapi kapag nakapasok sila sa Kongreso,” ayon kay Brosas.

Dahil dito, nananawagan ang kongresista sa publiko na maging mapagbantay at ibasura ang pekeng party-list na ginagamit lamang ang mga nasa laylayan ng lipunan para sa kanilang pansariling kapakinabangan.

Samantala, nakita rin ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang problema kaya nais nitong ireporma ang party-list system.

Aniya, ginagamit lang ang party-list ng ilang political clan para palawakin ang kanilang kapangyarihan.

“Lumalaki ang political family, `yung elective position sa isang lugar kulang na para sa kanila. Paano madagdagan? Party-list, ganoon na `yung nangyayari,” sabi ni Pimentel sa isang press conference.

Para ireporma ang party-list system, sinabi ni Pimentel na dapat ding baguhin ang mismong Konstitusyon pero kailangan maging maingat dahil baka makalusot ang term extension. (Eralyn Prado/Dindo Matining)

The post Mga pekeng party-list binoldyak sa Kongreso first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments