Kongreso imbestigahan dumurog sa bakuna kontra dengue

Nakasasakit ng loob ang mga balitang lumabas tungkol sa dengue outbreak nitong mga nakaraang buwan, lalong-lalo na sa mga pamilyang namatayan. Akalain mong ipangalandakang bumaba raw ang datos kumpara sa mga nakaraang taon.

May kasabihan tayong “one death is one too many.” Ang naglipanang balita na nagmamayabang na bumaba ang mga namatay ay maituturing na insensitive. Hinagpis ng mga namatayan ay hindi dapat tapatan ng pakonswelo de bobong datos.

Dahil sa isyu sa Dengvaxia, ilang taon na tayong walang bakuna laban sa dengue. Bawat taon, daan-daan ang namatay dahil dito. Mga nasayang na buhay na maaaring naligtas sana kung hindi dahil sa naging isyu sa Dengvaxia. Isyung, sa aking pananaw, ay mukhang minanipula lamang.

Ganyan din ang mga napansin kong mga sentimyento ng napakaraming netizens sa social media, kung saan ay doon na lamang nila naipaaalam ang kanilang mga kaunawaan sa Dengvaxia issue.

Maraming mga komentong napasadahan ko ay patungkol sa mga ekspertong nag-ingay noong kainitan ng isyu sa Dengvaxia, si Dr. Leachon at Dr. Erfe. Korte na mismo ang nagsabing hindi kapani-paniwalang eksperto ang mga ito. Samakatwid, aba’y walang kredibilidad ang kanilang mga opinyon.

Ang tanong. Bakit pinaniwalaan sila noon?

Ayon sa mga netizens, may mga pansariling ambisyon daw ang mga ito. Tulad na lang ni Acosta ng Public Attorney’s Office (PAO) na hindi mo maiiwasang isiping politikal ang motibo dahil nangarap ding maging Senador noon. Natalo nga lang sa eleksyon.

Itong sina Acosta, Leachon, at Erfe, siksik-liglig ang pagpupumilit sa isyung dahilan daw ng maraming namatay ay ang Dengvaxia. Akalain mong nagkaroon pa noon ng autopsy laboratory sa PAO. Una, hindi mandato ng PAO ang pag-a-autopsy, Pangalawa, ang mga tumayong ekspertong doktor na sina Leachon at Erfe, ayon sa korte mismo, ay walang sapat na basehan para ituring na mga eksperto.

Talagang magdududa ang mga netizens na may mga politikal na ambisyon nga ang mga ito. Hindi ba’t noong mga panahong iyon, humahataw ang administrasyong Duterte para gibain ang pinalitan nilang PNoy admin. Halata ring ginigiba ang Liberal Party (LP). Kasi nga naman, para sa mga paparating na halalan ay mawalan ng pwersa ang LP.

Nakakaawa ang mga pamilyang namatayan. Pinaniwalang Dengvaxia ang dahilan. Pati nga ang vlogger na si Ako si Tserman ay natatawa dahil yung mga namatay sa aksidente, sa amoeba, sa leukemia, at iba pang malinaw na dahilan ay pinagpilitang dahil daw sa Dengvaxia.
Opinyon ng mga hindi maituturing na mga eksperto. Samantalang ayon sa mga totoong eksperto, medikal at legal, ay walang sapat at konklusibong ebidensya para sabihing Dengvaxia nga ang dahilan.

Ang Dengvaxia vaccine ay matagal nang ginagamit sa maraming bansa, kasama ang Estados Unidos. Bakunang panlaban ng kanilang mga mamamayan sa mas malalang perwisyo ng dengue, kasama na ang kamatayan.

Kung ang bakunang ito ay hindi sana ginamit at tila minanipula para sa politikal na agenda noong panahon ni Pangulong Duterte, ang mga kababayan sana natin ay may mas malakas at matibay na laban sa dengue. Maaari sanang wala nang namatay o mamamatay.

Ang totoong hustisya dapat ay ang pag-usig sa mga akusasyon laban sa Dengvaxia vaccine. Dahil sa pagkawala ng panlabang bakuna, maaaring habulin itong sina Acosta, Leachon, at Erfe sa daan-daang mga namatay sa dengue nitong mga nakaraang taon.

Abala kasi ang mga kinauukulan sa mga bangayang politika, at ito ay nagmumukhang mas may halaga sa kanila kesa sa kalusugan ng mga mamamayan, kesa sa mga pagluluksa ng mga namatayan. Mahahalagang buhay na tiningnang datos na lamang sa pagsabing bumaba ang numero nito.

Tila sinasabing pasalamat kayo dahil konti na lang kayong mga namatayan. Napaka-insensitive.

Ang mahalaga kasi sa kanila ay mga datos ng kanilang kandidatura para sa paparating na eleksyon. Kaya dedma na sa datos ng mga namatay sa dengue, bumaba naman daw kaya ‘wag nang pagkaabalahan.

Pananaw ko lamang, baka mas matuwa pa ang mga mamamayan kung iimbestigahan din ito ng Senado, o ng Kongreso, o kaya naman ay iutos ni Pangulong Bongbong Marcos.

The post Kongreso imbestigahan dumurog sa bakuna kontra dengue first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments