Len Escollante pinakipkip tikas ng ‘Pinas sa ICF Dragon Boat

Naaral na ni Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation president Leonora ‘Len’ Escollante ang plano para mapanatili ng mga paddler ng bansa ang husay sa mga susunod na international play kasunod ng tagumpay bilang pangkalahatang kampeon sa katatapos na International Canoe Federation Dragon Boat World Championships sa Puerto Princesa, Palawan.

“Habang ipinagmamalaki ko kung ano ang nakamit natin sa mundo, naniniwala ako na mayroon pa ring lugar para sa pagpapabuti. May kulang pa. So ‘yun ang pagtrabahuan namin para mas maging competitive ang mga paddler natin sa mga next competition,” bulalas ng opisyal.

Gamit ang ilang mga buwan sa kayod-marinong training camp at pinasaya ang mga kakabayan sa Palawan, grabe ang iniangat ng mga Pinoy sa sinungkit na 11 gold, 20 silver at 8 bronze medals para sa pinakatagumpay na niladlad sa ICF DBWC.

Iniwanan ng PH ang traditional Southeast Asian Games power Thailand na pumangawalang puwesto sa walong gold, habang ang Individual Neutral Athletes ang pumangatlo sa 6-3-3.

Ayon sa dating matagal na coach ng national dragon boat team na nagtala rin ng mga unang tagumpay, “Naniniwala ako na ang ating mga atleta ay maaaring makapaghatid ng higit pa habang ginagawa nila ang mga lugar na maaari nilang pagbutihin dahil ang tamang pamamaraan at pagpapatupad ay nandoon na.”

“Among them is boosting their power and we can only do that with the proper nutrition and supplements. Of course, wala kang power kung wala kang tamang pagkain.”

Sinegundahan ang kanyang sentimyento nina national coach Duchess Francine Co at national team skipper OJ Fuentes matapos angkompetisyon na mga sinuportahan ng Philippine Sports Commission, Tingog party-list, Puerto Princesa City government sa pangunguna ni Mayor Lucilo Bayron at Lacoste watches.

“Kami ay may parehong stroke at diskarte sa aming mga dayuhang karibal. We lack power lang talaga. Nutrition is very important and ‘yun ang malaking bagay na kulang sa atin,” salaysay ni naman Co.

“Malaking bagay kung maaari tayong bumuo ng kalamnan at makakuha ng higit na lakas sa ating mga stroke. Nakita niyo naman ang mga kalaban namin, especially from Europe, na malalakas at matitipuno,” dugtong ni Fuentes, 26, at may isang dekada na sa PH squad.

Napagtanto ni Escollante na kailangan ng Federation ang suporta at financial resources na hindi lang dapat magmula sa gobyerno kundi sa pribadong sektor din para matugunan ang nutritionary requirements at iba pang pangangailangan ng mga mananagwan.

Umaasa siya ngayon na mapakikinabangan ang namumukod-tanging binalandra ng Philippine paddling squad sa mundo sa pagbubukas ng mga mata ng mga pribadong sponsor sa magpapalawak pa sa potensyal ng bansa sa sport.

Sinabi ng hepe ng PCKDF na kailangang-kailangan ang suporta ng pribadong sektor lalo’t mag-qualify ang bansa sa 2025 World Games sa Chengdu, China at sa 33rd Thailand Southeast Asian Games sa susunod ding taon.

“Malaki ang posibilidad na mag-qualify tayo sa World Games at babalik ang sport sa Thai SEA Games kaya kailangan nating mapanatili ang mga tagumpay na natamo natin sa mundo sa parating na dalawang malalaking kaganapan,” panapos niyang pahayag. (Lito Oredo)

The post Len Escollante pinakipkip tikas ng ‘Pinas sa ICF Dragon Boat first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments