Nagiging ‘punching bag’ yata ngayon ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos mabisto na pumapalo sa P500 bilyon ang tinatago nilang pondo sa kanilang kaban.
Marami kasi sa ating kababayan ang naliliitan sa nakukuhang benepisyo sa PhilHealth pero sangkatutak naman pala ang kanilang pondo. Hiwalay pa diyan ang P60 bilyong ni-remit ng PhilHealth sa National Treasury bilang pagsunod sa utos ng Department of Finance (DOF) at kung hindi naglabas ng temporary restraining order ang Supreme Court (SC), isusunod sana ang kapupunan na P29.9 bilyon ngayong buwan.
Dahil sa pagiging kuripot ng PhilHealth, may ilang mambabatas na ang humihiling ng resignation ni PhilHealth President at Chief Executive Officer Emmanuel R. Ledesma, Jr. Bigo raw kasi ang ahensiya na masunod ang itinatakda ng Universal Health Care (UHC) Law.
Tapos ngayon, may panibagong rebelasyon si Senate President Francis Escudero na P20 bilyon umano kada taon ang nawawala dahil sa natutulog na pondo ng ahensiya.
Imagine, P20 bilyon ang nawawalang pondo kada taon na puwede sanang gamitin sa ibang bagay ng ahensiya. Inirekomenda ni Escudero na gamitin ang pondo sa pagbayad ng premium para mapalawak pa ang coverage ng PhilHealth.
Inoobliga ng Department of Budget and Management ang mga National Government Agencies (NGAs) na magsumite ng budget utilization reports bawat quarter. Obligado rin na magsumite ng kahintulad na report ang mga Constitutional Offices at State Universities and Colleges (SUC).
Kung mataas kasi ang utilization rate ng isang NGA, maganda rin ang kanilang absorptive capacity na gumamit ng karagdagang pondo.
Noong nakaraang taon, ilan sa natukoy na mababa ang absorptive capacity ay ang Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Migrant Workers (DMW), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Energy (DOE).
Nangako na ang DICT na aayusin ang kanilang procurement process. Ang DMW naman, aayusin daw ang kanilang Migrant Workers Office, isasagad ang reintegration program sa mga Overseas Filipino Workers, at pagkuha ng mga magtatrabaho sa bagong likhang posisyon sa OFW hospital.
Ang DSWD naman, bibilisan ang validation process ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ang social preparation process ng Supplementary Feeding Program (SFP). Nangako rin ang DOE na bibilisan ang mga nakalinya nilang programa.
Kung ang mga NGA na ito ay nangakong magbabago para mapaganda ang kanilang utilization rate sa budget, aba’y dapat din gumaya ang isang government owned and controlled corporation na PhilHealth kaysa patulugin na parang mantika ang P500 bilyon nilang sobrang pondo.
The post Natutulog na pondo first appeared on Abante Tonite.
0 Comments