`VP Sara Duterte walang respeto sa Kongreso’ – Kamara

Kinondena ng mga kongresista si Vice President Sara Duterte sa paglabag nito sa protocol ng Kamara de Representantes ng magkulong ito sa loob ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.

Nagpahayag ng pagkabahala sina House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose Dalipe, at Deputy Speaker David Suarez sa pagtanggi ni Duterte na lumabas ng Batasan matapos dalawin ang kanyang nakakulong na chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez.

“Binuksan namin ang pinto ng malasakit para sa kanya, binigyan siya ng espesyal na pahintulot na bisitahin si Atty. Zuleika Lopez… kahit lampas na sa regular na oras ng pagbisita,” sabi sa pahayag ng mga mambabatas.

Nabatid na umalis si Duterte sa detention facility alas-10:00 ng gabi pero dumiretso sa tanggapan ng kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo Duterte sa South Wing Annex Building at nagkulong sa loob.

“Kahit ilang beses siyang pinakiusapan ng aming Sergeant-at-Arms na umalis, binalewala niya ito, dahilan para magpatupad kami ng lockdown para sa kaligtasan ng lahat at proteksyon ng institusyon,” pahayag ng mga kongresista.

Upang matiyak ang kaligtasan ng mga staff at ang integridad ng operasyon ng Kamara, hinigpitan ang seguridad sa loob.

“Gusto naming ipaalala sa lahat, lalo na sa mga opisyal ng gobyerno, na may mga patakaran at protocol kaming sinusunod sa Malaking Kapulungan para tiyakin ang seguridad at kaayusan,” sabi ng mga mambabatas. “Hindi ito basta-basta nilalabag, kahit sino pa ang tao.”

“Kung walang respeto sa mga simpleng patakaran, paano tayo magtitiwala na kaya nilang igalang ang mas malalaking responsibilidad na iniatang ng taongbayan sa kanila?” dagdag pa ng mga ito.

Samantala, sumulat si Duterte sa Kamara upang hilingin na samahan niya si Lopez sa kulungan hanggang sa makalabas ito.

Ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability chairperson at Manila Rep. Joel Chua, hindi pinagbigyan ang kahilingang ito si Duterte subalit pinayagan ang Bise Presidente na makadalaw kay Lopez araw-araw.

Sumulat din umano kay Chua si Congressman Duterte at hiniling na ikulong na lamang si Lopez sa kanyang opisina sa South Wing Annex Building.

Ngunit tinabla rin ng komite ang hirit ng kapatid ng Bise Presidente.

“Ito po ay hindi natin pinayagan dahil otherwise ang mangyayari po na `yung susunod po `yung mga iba pang mga may connection o may mga kaibigan na congressman, eh ganun na lang po ang gagawin. So sa amin pong paniniwala ay bad precedent po `pag pinayagan po natin,” sabi ni Chua.

Sinabi naman ng Bise Presidente na plano niyang manatili sa opisina ng kapatid hangga’t nakakulong ang kanyang chief of staff.

Paliwanag niya sa media briefing via Zoom nitong Biyernes, Nobyembre 22, mananatili siya sa tanggapan ng kapatid para madali niyang mapuntahan ang kanyang chief of staff sakaling kailanganin siya nito. (Billy Begas/Issa Santiago)

The post `VP Sara Duterte walang respeto sa Kongreso’ – Kamara first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments