Nananatiling mapanganib ang political beat sa Pilipinas para sa mga mamamahayag sa bansa, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
Ito’y makalipas ang 15 taon pagkatapos ng malagim na Maguindanao massacre kung saan 58 katao ang brutal na pinatay, kabilang ang 38 mamamahayag.
Sa panayam ni Atty. Karen Jimeno sa programang “At The Forefront” ng Bilyonaryo News Channel, ibinahagi ni NUJP chairperson Jonathan De Santos na mas ramdam ang panganib sa mga probinsya kumpara sa Metro Manila.
“Actually, it’s more felt in the regions outside Metro Manila kasi sa Metro Manila more or less the journalists are safer. Pero kasi sa probinsiya mas madaling mag-reach out `yung local politicians, mas madali kang puntahan, mas madali kang, let’s say, puntahan sa bahay and i-warn not to cover,” pahayag ni De Santos.
Bagamat hindi na kasing dami ang naitatalang mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag, patuloy pa rin aniya ang mga banta sa kanilang seguridad. Kasama rito ang pagbabanta ng mga kaso tulad ng libel, na madalas gamitin upang patahimikin ang media.
Bilang tugon, sinabi ni De Santos na aktibo ang NUJP sa pagbibigay ng safety trainings sa mga mamamahayag upang matiyak ang kanilang proteksyon habang ginagampanan ang tungkulin sa pag-uulat.
Ang Maguindanao massacre ay isa sa mga pinakamatinding krimen laban sa mga mamamahayag sa kasaysayan ng bansa, at nananatili itong paalala sa panganib na kinakaharap ng media sa Pilipinas, lalo na sa mga probinsiya. (CB)
The post Trabaho ng media sa `Pinas mapanganib – NUJP first appeared on Abante Tonite.
0 Comments