BIBIYAHE muna patungong Las Vegas, Nevada sa Amerika si two-time MVP Justine Baltazar kasama ang buong tropa ng back-to-back Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) champions na Pampanga Giant Lanterns bago ito kumonekta sa PBA-debut para sa Converge FiberXers sa Commissioner’s Cup.
Naging malaking sandalan ng Giant Lanterns ang 6-foot-8 forward mula Mabalacat, Pampanga para walisin ang South Division rival na Quezon Huskers sa iskor na 65-61 para makuha ang 3-0 sa kanilang best-of-five championship series ng sixth season ng liga nitong Sabado ng gabi sa Bren Z. Guiao Sports Center sa San Fernando, Pampanga.
Pinatunayan ng 27-anyos na kauna-unahang back-to-back MVP awardee ng 29-team league na ito ang No.1 pick sa 2024 PBA Rookie Draft nang umiskor ng 19 puntos, 19 rebounds, dalawang assists at isang block sa loob ng mahigit sa 36 minuto. Ngunit bago bumiyahe papunta ng FiberXers ay lilipad muna ito sa tinaguriang “Sin City” para sa gantimpalang ‘All-expense paid trip.”
Hindi tulad ng naunang dalawang laro na dinomina ng Pampanga, dalawang sunod na kinalos ng Pampanga ang Quezon sa prestihiyosong Al Nasr Club’s Rashid Bin Hamdan Indoor Hall sa Dubai, United Arab Emirates sa pamamgitan ng 79-60 sa Game 2 noong nagdaang Miyerkoles ng madaling araw (Disyembre 3) at 88-71 dominasyon sa Game 1 noong nakaraang Lunes ng madaling araw (Disyembre 1), kung saan lumista ng magkasunod na double-double at all-around game ang dating three-time collegiate Mythical Five-member na si Baltazar.
Nakatakda ring lumipat sa kani-kanilang ball clubs sa PBA sina forward Brandon Ramirez matapos mapili No.18 pick sa second round ng NLEX Road Warriors at Kurt Reyson bilang No. 23 ng Meralco Bolts, ayon sa pagkakasunod, habang napili si Ronan Santos bilang first pick sa third round bilang No.25 overall ng Converge para samahan si Baltazar.
Nahirapan ang Giant Lanterns na lumayo sa laro sa pagkakaroon ng anim na tabla at nagawang maghabol bago tuluyang maitakas ang panalo sa pagtitimon ni Pampanga Gov. Dennis Pineda na hinirang ding Coach of the Year para maging kauna-unahang magkasunod na kampeonato para sa Pampanga.
Sa kabilang banda, mayroong 2-1 rekord ang Converge sa PBA Commissioner’s Cup, maaaring magmintis ng isa o dalawang laro pa ang dating three-time UAAP Mythical Team member at dating Gilas Pilipinas forward dahil sa pansamantalang bakasyon sa Las Vegas.
Inaantabayanan ang pagpasok ni Baltazar sa koponan ng Converge, na maaaring maganap sa Disyembre 17 kontra NLEX Road Warriors sa ganap na alas-5:00 ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Maynila, o ‘di kaya’y sa Disyembre 19 kontra Phoenix Fuel Masters sa pareho pa ring venue. (Gerard Arce)
The post Bonus sa back-to-back title! Justine Baltazar, Giant Lanterns magpapakasarap sa Las Vegas first appeared on Abante Tonite.
0 Comments