Dumagsa ang mga kongresista sa Malacañang nitong Miyerkoles ng gabi, Disyembre 4, para umano sa isang fellowship at hindi sa kung ano pa man na agenda.
Ito ang inihayag ng Presidential Communications Office (PCO) kaugnay sa pagbisita ng mga mambabatas sa Malacañang kung kailan mainit ang usapin sa dalawang impeachment complaint na isinampa sa Kamara de Representantes laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa PCO, matagal nang naka-schedule ang pagtitipon sa Palasyo kaya hindi dapat na iugnay sa anumang isyu na may kinalaman sa politika.
“The gathering is meant to be a fellowship between the Office of the President and members of the House of Representatives which is already scheduled some time ago,” ayon sa pahayag ng PCO.
Idinagdag pa ng PCO na hindi bukas sa media ang fellowship at mga “close-in” lang ang kasama sa aktibidad.
Kabilang sa mga dumating sa Malacañang nitong Miyerkoles ng gabi ay sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at House Majority Floor Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe.
Nagmistulang parking lot ang kahabaan ng J.P. Laurel Street, mula sa Gate 2 hanggang sa Gate 5, ng Malacañang dahil sa dami ng mga kongresista na dumalo sa fellowship. (Aileen Taliping)
The post PBBM, mga congressman `nag-meeting’ sa Malacañang first appeared on Abante Tonite.
0 Comments