Sa palagay ko ay personal nang natumbok ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Daniel Jay Santiago ang ugat ng problema ng sangkaterbang ROPAX passengers na nakapila sa Port of Batangas tuwing peak season gaya ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
At sa pagdalaw ni Santiago sa naturang pantalan noong Disyembre 22, nalunasan din ang problemang ito sa pamamagitan ng kanyang personal na pakikipag-usap sa mga ticket sellers ng mga shipping companies na rumarampa doon.
Sa kaso ng Montenegro Shipping Lines na kabilang sa mga malalaking kumpanyang gumagamit ng Port of Batangas, agad itong tumalima sa kahilingan ni Santiago sa kanila na isyuhan na ng ticket ang mga pasaherong nakapila sa kanilang ticketing booth patungo sa Odiongan, Romblon.
Ayon kay Santiago, kailangan lamang umanong paliwanagan nang maayos ang mga pasahero na hindi porke’t naisyuhan na sila ng ticket ay makakasakay na agad sila sa unang biyahe na tutulak patungo sa naturang bayan.
Nang gawin ang suhestiyon ni Santiago, unti-unting nawala ang pila ng mga pasahero patungo ng Odiongan at bilang pakonsuwelo na rin ng Montenegro Shipping Lines, humugot ito ng isa pang malaking barko sa ibang ruta at isinalang sa biyahe upang hindi na masyadong humaba ang waiting time sa passenger terminal.
Nang pakiusapan ni Santiago ang 2Go shipping ay sumang-ayon din ito kaya unti-unting naramdaman ang ginhawa sa pila sa mga ticketing booths nila.
Sa obserbasyon ng mga media na nakasaksi sa pakikipag-usap ni Santiago sa tauhan ng mga shipping lines sa loob ng passenger terminal ng Port of Batangas, tanging ang Starlite Shipping ang medyo magulo ang sistema.
Ang naturang shipping company ay mayroong biyahe ng ROPAX mula Batangas diretso ng Caticlan na nagsisilbing receiving area ng mga gagala sa Boracay.
Dahil nga ang naturang shipping company ay nagsasakay ng mga bus na mayroon ding pasahero patungo sa Caticlan, natitengga ang pila ng mismong mga pasahero sa loob ng terminal.
Tila baga hindi nila maayos ang sistema na kung hindi mabibigyan ng siguradong akomodasyon ang mga pasahero ng bus na sasampa sa barko, hindi rin maisasakay ang mga bus na higit na mas mahal ang bayad.
Resulta, halos mamutla na ang mga pasaherong nag-aabang sa ticketing office nila sa loob ng passenger terminal.
Pero puwede naman itong hindi na maulit sa mga susunod na peak season kung aayusin lamang nila ang sistema at agad na magpalabas ng abiso kung mayroon pa o wala nang puwesto sa mga nakapila sa passenger terminal.
Pinaganda ng kasalukuyang pamunuan ng PPA ang nabanggit na passenger terminal para maging kombinenyente sa mga pasahero, pero kung may mga shipping lines na gaya ng Starlite na kamote ang sistema, lahat ay siguradong magdurusa.
Buhay-buhay nga naman…
The post Tigasin sa Port of Batangas first appeared on Tonite - Abante.
For reliable and efficient cleaning services, mj cleaning services is the name you can trust. Offering a wide range of professional cleaning solutions, m j cleaning services ensures your space stays immaculate, whether it's at home or the office. With a focus on quality and customer satisfaction, m.j. cleaning services delivers exceptional results every time, providing you with a clean and healthy environment you can count on.
0 Comments