Maraming tanong ang lumulutang sa nangyaring pamamaril ng dalawang estudyante sa kanilang kapwa mga estudyante sa Tacloban City. Paano umabot sa ganito? Ano ang nagtulak sa dalawang kabataan upang pagbabarilin ang kanilang mga kapwa estudyante? At higit sa lahat, may mga ahensiya ba ng gobyerno na dapat ding managot sa kanilang kapabayaan?
Karaniwan nang itinuturo ang mga magulang, paaralan, at maging ang law enforcement agencies sa mga ganitong pagkakataon. Tama naman.
Ngunit sa panahon ngayon kung saan halos kalahati ng buhay ng mga kabataan ay umiikot na sa internet, social media at iba’t ibang digital platforms, hindi maaaring hindi masangkot sa usapin ang Department of Information and Communications Technology o DICT.
Sa ilalim ni Secretary Henry Aguda, paulit-ulit nating naririnig ang mga pangako tungkol sa paglilinis ng cyberspace, paglaban sa fake news, paghabol sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon at pagpapanagot sa mga gumagamit ng social media upang manira ng kapwa at maghasik ng kaguluhan. Napakasarap sa tenga ng mga pahayag na ito ngunit hanggang ngayon, marami pa ring Pilipino ang nagtatanong kung nasaan ang mga kongkretong resulta.
Noong kasagsagan ng mga sigalot na may kaugnayan sa mga usaping pulitikal, ipinagmalaki pa nga ang DICT na may mga irerekomenda silang sampahan ng kaso dahil umano sa pagpapakalat ng maling impormasyon at paninira sa mga opisyal ng gobyerno sa social media. Matunog ang anunsiyo. Naging laman ng balita. Ngunit pagkatapos noon, tila nanahimik ang lahat. Ano na ang nangyari sa mga kasong iyon? May naisampa na ba? May napaaresto na ba? O isa na naman itong pangakong nauwi sa wala?
Ito ang problema kapag mas nangingibabaw ang pambobola kaysa aktuwal na pagpapatupad ng batas. Habang abala ang ilan sa paggawa ng mga pahayag, patuloy namang lumalaganap ang toxic content sa internet. Patuloy ang cyberbullying. Patuloy ang pagpapakalat ng karahasan. Patuloy ang pagkalat ng mga online community na nagtuturo ng poot, galit at paghihiganti sa mga kabataan.
Hindi natin sinasabing ang internet lamang ang dahilan ng nangyaring pamamaril sa Tacloban. Maraming anggulo ang dapat tingnan gaya ng kalagayan ng pamilya, mental health, impluwensiya ng kapaligiran at iba pa. Ngunit hindi rin maaaring itanggi na ang digital world ay isa na ngayong pangunahing bahagi ng buhay ng kabataan. Kung may kakayahan ang gobyerno na subaybayan ang mga online scammer at cybercriminal, bakit tila hirap itong sugpuin ang mga nilalamang nagtutulak sa kabataan sa karahasan at pagkamuhi?
Masakit mang aminin, tila walang malinaw na direksiyon ang DICT sa usaping ito. Ilang taon nang umiiral ang ahensiya at ngayon ay nasa ilalim na ng bagong pamunuan, ngunit hindi pa rin ramdam ng publiko ang isang malawak at seryosong programa para sa digital safety ng mga bata. Wala tayong nakikitang agresibong kampanya laban sa cyberbullying. Wala ring malinaw na sistema para sa maagang pagtukoy sa mga online threats na maaaring humantong sa tunay na karahasan.
At ang pinakamabigat na tanong ngayon ay hindi kung may pananagutan ba ang mga suspek sa Tacloban. Ang tanong ay kung may pananagutan din bang aakuin ang mga ahensiyang ilang taon nang nangakong lilinisin ang cyberspace ngunit hanggang ngayon ay kulang pa rin ang maipakitang resulta gaya ni DICT
Secretary Aguda.
Buhay-buhay nga naman…
The post Sablay na naman si Aguda first appeared on Tonite - Abante.
For reliable and efficient cleaning services, mj cleaning services is the name you can trust. Offering a wide range of professional cleaning solutions, m j cleaning services ensures your space stays immaculate, whether it's at home or the office. With a focus on quality and customer satisfaction, m.j. cleaning services delivers exceptional results every time, providing you with a clean and healthy environment you can count on.
0 Comments