Namuro agad ang mga liyamadista sa first double matapos manalo ang kabayong A. P. Factor sa PHILRACOM Rating Based Handicap System race kahapon sa Metro Turf sa Tanuan City, Batangas.
Napahirapan sa unahan si A. P. Factor ng matulin na si Ava’s Tale pero hindi natinag ang winning horse at napasaya agad nito ang mga liyamadista.
“Medyo kinakabahan pa ako pagdating ng far turn kasi ang tibay din ni Ava’s Tale sabi ko baka bumigay si A. P. Factor,” saad ni Orlando Badilles, nakataya sa nanalong kabayo.
Nirendahan ni class A rider Mark Angelo Alvarez, kalmado lang nitong dinala si A.P. Factor at pagsapit ng rektahan ay kinuha na nito ang bandera.
Impresibo ang naging tiyempo ni A.P. Factor, nakapagtala ito ng 1:25.8 oras sa 1,400 meter race sapat upang ibulsa ang added prize na P5,000 mula sa Philippine Racing Commission.
Dumating si Makaarem ng segundo, tersero si Ava’s Tale habang pumang-apat si Skymarshal.
Samantala, may 12 races ang pakakawalan bukas. (Elech Dawa)
The post Liyamadista namuro agad first appeared on Abante Tonite.
0 Comments