Sexy star grabe ang sumpong

Maraming naaaliw sa isang palabang sexy female personality.

Kakaiba kasi ang kanyang mga atake, wala siyang pakialam sa mundo, gagawin niya ang kanyang gusto at walang makapipigil sa kanya.

Lumaki kasing spoiled sa kanyang pamilya ang sexy personality, kung ano ang gusto niyang gawin ay tameme ang lahat sa kanya, bitbit niya ang ugaling ‘yun hanggang nitong mag-artista na siya.

Kuwento ng isang source, “Ang maganda sa girl na ‘yun, kahit galing pa siya sa isang buena familia, maganda ang PR niya. Hindi siya namimili lang ng kakaibiganin niya.

“Very low key siya, down to earth, wala siyang kayabang-yabang. Sa taping nga ng isang sitcom niya nu’n, e, puring-puri siya kahit ng mga utility.

“Mabait kasi siya sa maliliit, pinakikisamahan niya, marespeto siya sa mga katrabaho niya,” unang papuri ng aming source sa sexy actress.

Pero may rebelasyon ang aming impormante, mabait kung sa mabait ang sexy personality, pero may sarili siyang mundo kapag hindi maganda ang kanyang gising.

Balik-chika ng aming source, “’Yun nga lang, kahit ganu’n siya ka-nice, e, mapapansin mo rin ang kakaiba niyang ugali! May tantrums siya!

“Kapag wala siya sa mood, e, parang wala siyang nakikitang tao sa paligid niya. Kadalasan, e, nangyayari ‘yun kapag matindi ang tama sa kanya ng agua de pataranta.

“Alam naman ng halos lahat na malakas siyang magnomo-nomo, di ba? Kaya niyang pataubin ang kahit sino sa pagmamam, dahil bagets pa lang siya, e, umiinom na talaga siya!

“Kapag may matinding hang-over siya, e, du’n lumalabas ang tantrums niya! May sumpong ang sexy star! Wala siya sa tamang hulog, palagi lang siyang nakasimangot!

“At wala siyang pakialam kung sinuman ang mga kaharap niya, wala rin siyang keber kung may mga camerang nakatutok sa kanya! Sisimangot siya nang buong-ningning talaga!

“Ibang klase ang babaeng-ibon na ‘yun! May sarili siyang mundo, sa totoo lang! Pero kapag wala siyang sumpong, e, napaka-nice niya!” natatawang pagtatapos ng aming source.

Sharon pumayat na

Hindi pa rin mangyayari ang kagustuhang magpahinga na ni Sharon Cuneta sa pag-aartista. Kung kailan naman binabalak ng Megastar ang pagkakaroon na ng pribadong buhay ay saka nagdatingan ang napakaraming proyektong kailangan niyang gawin sa taong ito.

May mga pelikula na siyang gagawin ay mukhang papasok na rin siya sa paggawa ng serye, at dahil isa siyang magaling na singer sa kanyang hanay ay may gagawin din siyang mga concert.

Humihingi ng dasal si Sharon sa kanyang mga tapat na tagahanga na sana’y walang anumang maging bulilyaso sa mga proyekto niya.

Napakalaki na ng ibinawas ng kanyang timbang, sa kanyang text sa amin nu’ng isang araw ay sinabi niya, “Pumayat na po ako! At pumapayat pa! Pinaghahandaan ko po ang mga projects ko na biglang dumami. Sana po, matuloy lahat. God is good po talaga!”

Mahal na mahal ng Megastar ang kanyang trabaho. May mga pagkakataong nasa dulo na siya ng pagsuko pero hindi niya maiiwan ang kanyang karera.

Totoo ang madalas niyang sabihin na kung tutuusin ay napaghandaan niya na ang kanyang kinabukasan, hindi na niya kailangan pang isakripisyo ang kanyang oras sa pagharap sa mga camera, pero may magnetong humihila sa kanya pabalik sa kanyang sinimulan.

Hindi pa panahon para magretiro si Sharon Cuneta, napakarami pa niyang dapat gawin kahit pa sobra-sobra na ang kanyang napatunayan, hindi na kumpleto ang lokal na aliwan kapag tuluyan nang nagpahinga ang Megastar.

The post Sexy star grabe ang sumpong first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments