PH record binura muli (kicker) Obiena ginto sa Germany

MULING binura ni Filiipino pole vaulter EJ Obiena ang national indoor pole vault record sa paglundag nito sa gintong medalya sa ISTAF Indoor Athletics Meet sa Berlin, Germany.

Ang 24-anyos na Engineering student ay nalampasan ang 5.80-meter mark, na personal best nito sa indoor event sa torneo na isinasagawa Sabado ng umaga.

Unang tinabunan ni Obiena ang sarili nitong Philippine indoor pole vault record noong Enero 30 sa Karlsruhe World Indoor Tour Meeting sa paglampas nito sa 5.62 metro.

Pumanglima lamang ito sa naturang torneo.

Ipinamalas ni Obiena sa Berlin ang paglampas sa 5.42 metro habang nagawa din nito lundagin ang 5.52m, 5.62m at 5.72m marka sa kanyang mga attempt.

Nagtabla sina Obiena at Torben Blech ng Germany sa 5.80m mark.

Gayunman, si Obiena ang nakasungkit sa ginto matapos nitong itala ang bagong Philippine indoor pole vault record sa unang talon lamang.

Nalampasan ng German ang bar sa ikalawa nitong attempt.

Ang kababayan ni Blech na si Oleg Zernikel ang nag-uwi ng bronze medal.

Tinalo din ni Obiena ang mga beterano na sina Polish pole vaulter Robert Sobera (4th), Piotr Lisek (5th), Germany’s Bo Kanda Lita Baehre (6th), American Matt Ludwig (7th) at dating world champion Raphael Holzdeppe (8th).

Si Obiena ang pinakaunang national athlete na nagkuwalipika sa Tokyo Olympics.

Kamasa nito ang iba pang officially qualified para sa Tokyo Olympics na sina gymnast Carlos Yulo at mga boxer na sina Eumir Felix Marcial at Irish Magno. (LIto Oredo)

The post PH record binura muli (kicker) Obiena ginto sa Germany first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments