
Sinampahan ng kasong kriminal ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang 12 miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) at apat na ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kaugnay sa naganap na misencounter sa labas ng isang McDonald’s branch sa Quezon City noong Pebrero 24, 2021.
Kabilang sa kinasuhan sina PDEA-Special Enforcement Service (SES) agents Khee Maricar Pornobi Rodas, Jelou Juanitez Santiniaman, Jeffrey Panhon Baguidudol at Romeo Asuncion.
Habang sina QCPD-District Special Operating Unit (DSOU) members P/Cpl. Alvin Borja, P/Lt. Ronnie Ereno, P/Cpl. Marlon Masiclat, P/Cpl. Ronilo Prepose, P/Cpl. Jason Coranez, P/Cpl. Aries Curit, P/Cpl. Marco Tapanan, P/Cpl. James Dasalla, P/Maj. Sandie Caparroso, P/Cpl. Raul Christian Gandeza, P/Lt. Honey Besas, at P/Cpl. Christopher Alvarez naman sa hanay ng mga pulis.
Inirekomenda ng NBI ang prosekusyon nina Rodas, Santiniaman, at Baguidudol ng PDEA sa kaaong homicide dahil sa pagkamatay ni P/Cpl. Eric Elvin Garado. Inakusahan din si Baguidudol na nagpalsipika ng opisyal na dokumento.
Habang si PDEA agent Asuncion at policeman Borja ay inirekomenda na kasuhan dahil sa pagkamatay ng pulis na si Lauro De Guzman at PDEA agent Rankin Gano.
Pinangalanan naman ng NBI na “John/Jane Doe” ang pumaslang sa impormante na nakilalang si ‘Untong’.
Samantala, inirekomenda naman ang pagsasampa ng kasong attempted homicide kay Santiniaman dahil sa pagkasugat kay Ereno.
Gayundin ang pagsasampa ng attempted homicide sa walong pulis na sina Ereno, Borja, Masiclat, Propose, Coranez, Curit, Tapanan, at Dasalla dahil sa pagkakasugat nina PDEA agents Martin Matthew Soriano at Baguidudol.
Habang ang mga pulis na sina Caparroso, Gandeza, at Besas ay kinasuhan naman ng direct assault with physical injuries, direct assault with less serious physical injuries, at direct assault.
Sina Caparroso, Gandeza, at Besas ay kinasuhan din ng robbery at pakikipagsabwatan.
Sina Alvarez, Besas, Ereno at Caparroso ay kinasuhan ng consenting to evasion.
Nalaman na anim na buwang nagsagawa ng imbestigasyon ang NBI sa kaso matapos silang atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matapos ang misencounter, kaagad pinaimbestigahan ni DOJ Secretary Menardo Guevarra ang insidente sa NBI at kapwa rin nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) at PDEA pero nakialam si Duterte at inatasan ang NBI na solong mag-imbestiga sa kaso. (Juliet de Loza-Cudia)
0 Comments