Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng kaso sa Department of Justice (DOJ) laban sa pitong opisyal at staff ng isang ospital sa Pasig City dahil umano sa mga nadiskubreng pekeng claims sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge Director Eric Distor ang mga opisyal at staff ng Tricity Medical Center (TMC) na sina: Dr. Enrico Cruz, hospital administrator; board directors Dr. Gjay Lalu Ordinl, Dr. Froilan Antonio De Leon at Dr. Lourdes Rhoda Reyes Padilla; RN ng pagamutan na si Cherry Catalan Flores; Philhealth Staff ng ospital na si Arlene Joy Sebuc; at hospital clerk na si Svend Agodilos Rances.
Ayon kay Distor, isang intelligence report ang nakarating sa Anti-Graft Division ng NBI noong Enero 8, 2020 kaugnay sa posibleng paniningil umano ng TMC ng mga PhilHealth claim sa sinasabing mga hemodialysis patient.
Base sa impormasyon, wala umanong aktuwal na mga pasyente o kaya naman ay patay na ang sinasabing sumailalim sa hemodialysis treatment.
Kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon ang NBI at nakumpirmang mahigit isang taon na umano ito ginagawa.
Nalaman na may 318 pekeng claims ang TMC na aabot sa kabuuang halagang P824,200.
Malaki rin umano ang posibilidad na mas mataas at umabot sa P4.3 milyon ang nasingil ng pagamutan mula 2016 hanggang 2019 batay sa database ng PhilHealth.
Sinampahan ng kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code at paglabag sa Section 44 ng Republic Act No. 7875 o National Health Insurance Act, ang mga nabanggit na doktor at staff ng TMC. (Juliet de Loza-Cudia)
The post 7 Tricity doc, staff swak sa mga pekeng PhilHealth claim first appeared on Abante Tonite.
0 Comments