83K health worker nagbitiw

Maraming nagtatrabaho sa healthcare sector ang umalis sa kanilang trabaho noong Agosto 2021.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nabawasan ng 83,000 ang mga nagtratrabaho sa sektor ng human health and social work activities nitong Agosto.

Sa human health and social work activities napapaloob ang mga healthcare worker sa mga ospital at laboratoryo ngunit hindi nakahimay sa datos ng PSA kung ilang mga nurse at doktor ang umalis sa trabaho, sabi ni PSA Undersecretary Dennis Mapa kahapon.

Ayon sa PSA, nasa 574,000 na lamang ang nagtratrabaho sa sektor ng human health and social work activities hanggang nitong Agosto samantalang nasa 657,000 sila noong Hulyo.

Base sa datos ng PSA, nag-umpisa ang taon na 633,000 ang nagtatrabaho sa naturang sektor at tumaas pa ito sa 714,000 noong Pebrero bago bumagsak sa 650,000 sa buwan ng Marso.

Matagal na ang hinaing ng mga healthcare worker sa kakulangan ng suporta pagdating sa pangangalaga sa kanilang kalusugan, kagamitan, transportasyon at allowance.

Sila pa ang nananawagan ng paghihigpit sa quarantine para mabawasan ang mga nahahahawa sa COVID-19. (Eileen Mencias)

The post 83K health worker nagbitiw first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments