Chinese swak sa bakuna slot for sale

Arestado ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national na nagbebenta umano ng COVID-19 vaccination slot sa kan­yang mga kababayan sa Maynila.

Kinilala ni NBI officer-in-charge (OIC) Director Eric Distor ang suspek na si Xiao Shi, at may alyas pang ‘Feng Wang Qun’.

Inaresto ang suspek ng mga operatiba ng NBI Anti-Fraud Divi­sion makaraang ireklamo umano ng isang kababayan nito na hindi na pinangalanan dahil matapos nitong magbayad ng P18,000 para sa COVID-19 vaccination slot sa Maynila ay hindi naman nabakunahan.

Nagpakilala pa umano ang suspek bilang miyembro ng Manila COVID-19 vaccination team at ti­niyak sa biktima na maikukuha ito ng bakuna slot dahil may konek­siyon siya sa mga opisyal ng Brgy. 239 sa Binondo.

Naniwala naman ang biktima kaya nagbigay siya ng P18,000 sa suspek pero hindi na nagpakita ang huli. Sinabihan pa umano ng suspek ang kababayan na maghintay lamang kung kaya’t nagberipika na ang biktima.

Doon na nalaman ng biktima na hindi pala konektado ang sus­pek sa Manila COVID-19 vaccina­tion team at libre rin pala ang pagbabakuna kontra coronavirus sa lungsod.

Nabatid pa na tinawagan siya ng suspek para alamin kung in­teresado pang magpabakuna at humingi ng karagdagang P5,000. Lingid sa kaalaman ni Shi ay nagreklamo na ang biktima sa NBI kung kaya’t ikinasa ang isang entrapment operation laban sa kanya dakong alas-4:00 ng hapon noong Setyembre 9 sa isang mall sa Binondo.

Tinangka pa umanong manla­ban ng suspek nang makatunog na may mga awtoridad sa lugar pero naaresto rin siya.

Sinampahan si Shi ng mga kasong estafa, direct assault at disobedience of lawful orders of persons in authority sa Manila Prosecutor’s Office. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Chinese swak sa bakuna slot for sale first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments