Mula sa mahigit 16,000 noong Martes, bumaba pa ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na makapagtala ng 15,592 ang Department of Health (DOH) nitong Miyerkoles, Setyembre 22.
Iniulat ng DOH sa COVID-19 Case Bulletin No. 557 na nakapagtala naman ng 24,059 mga bagong nakarekober sa virus infection habang nasa 154 katao ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi.
Umabot na sa 2,417,419 ang kabuuang bilang ng mga dinapuan ng coronavirus sa buong bansa.
Sa naturang bilang, nasa 6.7% o 162,580 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman at maaari pang makahawa, kabilang dito ang 92.0% na mild cases, 3.0% na asymptomatic, 2.81% na moderate, 1.5% na severe at 0.7% na critical.
Mayroon ding 89 kaso na unang tinukoy na gumaping ngunit kalaunan ay natuklasan na nasawi pala sa final validation.
Apat na laboratoryo ang hindi umano nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System.
Samantala, inihayag ng OCTA Research Group na patuloy ang pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni OCTA Research fellow Guido David, bumaba pa at umaabot na lamang sa 1.03 mula sa dating 1.11 ang COVID-19 reproduction number sa NCR, o ang bilang ng mga taong maaaring mahawaan ng isang pasyenteng infected ng virus.
Bagama’t may ilang backlog umano sa COVID report umaasa siya na magpatuloy ang pagbaba ng mga bagong kaso. (Juliet de Loza-Cudia)
The post COVID hawaan bumagal, bagong kaso bumaba sa 15K first appeared on Abante Tonite.
0 Comments