Nasa 239 na ang kabuuang bilang ng mga lugar sa Metro Manila na nakasailalim sa granular lockdown kasunod ng pilot implementation ng bagong alert level system sa nasabing rehiyon.
Ayon kay Interior Undersecretary Epimaco Densing III, karamihan sa mga lugar na isinailalim sa granular lockdown ay mga individual house sa Quezon City na may kaso ng COVID-19.
Maayos naman aniyang naipapatupad ang lockdowns sa rehiyon, maliban na lamang sa kaso ng ilang residente na nagreklamo hinggil dito dahil maaapektuhan anila ang kanilang kabuhayan.
Aminado rin ang opisyal na nagkakaroon pa ng kaunting kalituhan sa bagong sistema ngunit agad rin naman umano itong naitatama.
Paglilinaw naman ni Densing, maaaring mag-deploy ng mga barangay tanod sa labas ng tahanan na naka-lockdown ngunit hindi nila ito dapat na ikandado. (Dolly Cabreza)
The post Granular lockdown kinasa sa 239 lugar first appeared on Abante Tonite.
0 Comments