P192B pondo nakatengga lang sa DBM

Halos tatlong buwan bago matapos ang taon, mayroon pang P192 bilyong halaga ng mga proyekto na nasa ilalim ng ‘for later release’ o FLR category at mapopondohan lamang kapag pinayagan ng Office of the President.

Nalaman ito sa deliberasyon ng panukalang 2022 national budget sa plenaryo ng Kamara matapos na magtanong si Marikina Rep. Stella Luz Quimbo sa Department of Budget and Management (DBM) kaugnay ng FLR, bagong konsepto na ginamit noong 2020.

Inilagay sa FLR ang mga proyekto na natukoy ng Kongreso na dapat na pondohan at isinama sa General Appropriations Bill (GAB) pero wala sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng DBM sa Kongreso.

Ayon kay Quimbo kasama sa napunta sa FLR ang P748 milyong pondo na idinagdag ng Kongreso para sa Philippine General Hospital (PGH), kasama ang pambili ng mga mechanical ventilator.

Ipinunto ni Quimbo na mistulang nabalewala ang ‘power of the purse’ na ibinigay ng Konstitusyon sa Kongreso dahil kontrolado ng Office of the President kung anong mga proyekto ang popondohan.

Iminungkahi naman ni Quirino Rep. Junie Cua, sponsor ng DBM budget, na magkaroon ng pag-uusap ang Executive at Legislative department kaugnay nito. (Billy Begas)

The post P192B pondo nakatengga lang sa DBM first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments