Tinatayang P1.656 bilyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa pagkakaaresto ng awtoridad sa isang mag-live-in partner sa isang buy-bust operation sa parking lot ng isang kilalang restaurant sa Dasmariñas City, Cavite Sabado ng hapon.
Kinilala ang mga naarestong suspek na si Wilfredo Blanco Jr., 37, at live-in partner niyang si Megan Lemon Pedroro, 38, kapwa residente ng Kasiglahan Village, Montalban, Rizal.
Sa ulat, dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon nang magsagawa ng buy-bust ang pinagsamang operatiba ng PDEA 4A, PDEA-IIS, PDEA-SES, PDEA-NCR, AFP-TF NOAH, NICA, PDEG-RONCR, BOC, RID-NcRPO, PDEG-SOU4, Cavite PPO at Dasmariñas CPS sa parking lot ng Max’s Restaurant sa Brgy. Salitran 2 sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Dasmariñas City, Cavite kung saan nakipagtransaksiyon ang poseur buyer sa mga suspek.
Nabatid na ilang kilo lang sana ang transaksiyon ng awtoridad sa mga suspek subalit tumambad sa kanila ang bulto-bultong hinihinalang shabu sa loob ng isang puting Toyota HiAce van na walang plaka.
Narekober mula sa magdyowa ang tinatayang 240 kilo ng hinihinalang shabu, habang ang mga suspek ay kapwa nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. (Gene Adsuara/Edwin Balasa/Dolly B. Cabreza)
The post P1.6B shabu nasabat sa Cavite first appeared on Abante Tonite.
0 Comments