
Dinakma ng mga awtoridad ang lalaking nagpakilalang bombero at kasabwat nito matapos na mangikil sa mga negosyante para sa pekeng fire safety inspection certificate sa Quezon City.
Sa report ng Talipapa Police Station 3 ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon, ang mga naaresto ay nakilalang sina Manuelito Santos, 34-anyos, na nagpanggap na bumbero, at Melvin Quizada, 45, kasabwat.
Una rito ay nagreklamo sa QC Bureau of Fire Protection (BFP) ang may-ari ng isang Korean supermarket na hinihingan sila ng P5,000 ni Santos na nagsagawa umano ng biglaang inspeksyon.
Sinabi umano ni Santos na ang hinihinging P5,000 ay para umano sa pagre-refill ng kanilang fire extinguisher at para mabigyan sila ng fire safety inspection certificate.
Nagpakilala ang suspek bilang isang FO1 Eric Arulfo na nakasuot pa umano ng orange na uniporme at may dala pang ID na nagpapatunay na isa siyang bombero.
Sinabi ni Fire Insp. Rowelle Yarcia, hepe ng investigation and intelligence branch ng QC Fire District, na noon pa sila nakatatanggap ng reklamo sa mga establisimiyentong nabibiktima ng pekeng bombero na nagbabanta ng penalty kapag may nakitang paglabag sa fire code. (Dolly Cabreza)
The post Pekeng bombero kalaboso sa pangingikil first appeared on Abante Tonite.
0 Comments