Empleyada ng BIR nangikil, dinakma

Pinosasan ng National Bureau of Investigation Vigan District Office (NBI-VIDO) ang isang empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa sinasabing extortion sa isang entrapment operation sa Bantay, Ilocos Sur.

Kinilala ni NBI OIC Director Eric Distor ang suspek na si Cynthia Nones.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamong isinampa ng isang negosyante, na hindi pinangalanan, laban kay Nones. Nalaman na hiningan umano ng suspek nang P150,000 ang biktima para sa P300,000 tax liability nito.

Humingi umano ang complainant ng kanyang tax assessment kung saan lumabas na ang kanyang tax liability ay P150,000 lamang at hindi P300,000.

Sinabi umano ni Nones na hindi lalabas sa papel ang P150,000 at ito ay gagamitin umano sa gastusin sa proseso para mapababa ang kanyang tax liability sa opisyal na records.

Nabatid na babayaran ng biktima ang P150,000 official tax liability pero humingi pa ng P150,000 ang suspek bilang kompensasyon sa pagbawas ng kanyang tax liability.

Humingi umano ng sapat na panahon ang biktima para makakalap ng pera sa takot na pahirapan siya ng BIR-RDO sa kanyang negosyo.

Gayunman, sanhi ng pangamba, napilitan ang negosyante na isumbong ang insidente sa NBI-VIDO.

Ilang beses umanong naudlot ang pagkikita ng dalawa sa mga itinakdang lugar at noong Nobyembre 19 ay nagkasundo silang ideliber na lamang ng isa sa kanyang drayber ang pera sa kanyang tanggapan sa Bantay, La Union.

Lingid sa kaalaman ng suspek, kasama ng drayber ang isang ahente ng NBI at nang lapitan ni Nones ang sasakyan at tinanggap ang marked money ay inaresto na siya ng NBI. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Empleyada ng BIR nangikil, dinakma first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments