Male personality mabils nakalimot

Kababayan pala ng aming impormante ang nakadiskubre sa isang male personality na binigyan ng atensiyon ng publiko.

Pinagpistahan siya nu’ng una pero hindi ‘yon nagtagal, mabilis din siyang nawala sa gitna ng aksiyon.

Komento ng aming source, “Ganu’’n talaga kapag maagang nalulunod sa isang basong tubig ang baguhang artista. Hindi siya nagtatagal, hindi pa man siya nakikilala, e, nalalaos na!”

Natuklasan ang male personality sa isang tagong lugar. Hindi lang ‘yun malayo kundi tagung-tago pa talaga at kailangang hanapin.

Sabi uli ng aming source, “Kinunan siya ng picture nu’ng nakakita sa kanya, ipinost sa social media, napansin siya ng mga kababayan natin dahil guwapo siya.

“Bukod du’n, e, napakaganda pa ng kuwento ng buhay niya, mamahalin agad siya ng mga kababayan natin, masang-masa ang istorya niya.

“Kaso, nagkaproblema agad, marami nang umepal, kani-kanyang pakialam na ang mga kamag-anak niya! Marami na agad silang hinihingi, akala yata nila, e, pinupulot lang ang pera sa showbiz!

“Ayaw niyang lumuwas ng Maynila nang hindi siya sinusundo, samantalang ang dami-dami namang paraan para makarating siya sa Manila.

“Iba rin ang bagitong ito! Pati ang mga kamag-anak niya, e, nagsasamahan, kaya ang sasakyang sumusundo at naghahatid sa kanya, e, akala mo pambiyahe talaga dahil sa kapunuan!

“Lumaki agad ang ulo niya, inetsa-puwera niya agad ang mga taong nakadiskubre sa kanya. Kundi dahil sa mga taong ‘yun, e, may makakakita ba naman sa kanya sa social media?” naiinis na tanong-opinyon ng aming source.

At ang mismong mga kababayan niya ang makapagpapatotoo na nu’ng mapansin siya sa social media ay nagbago na rin ang kanyang ugali. Napakabilis niyang makalimot.

Patuloy ng aming impormante, “Aba, hindi na siya makita ng mga kaibigan niya, pinagtataguan na niya, kasi, marami kunong nanghihingi ng balato sa kanya!

“Gusto nga siyang pakainin nang tone-toneladang carrots ng mga kababata niya, e! Baka raw magising siya sa katotohanan kapag nabusog siya!” tawa nang tawang pagtatapos ng aming source.

Bea dating nanghihiram ng damit

Galing sa hirap si Bea Alonzo. Hindi siya nahihiyang ikuwento na nu’ng nag-aartista na siya ay puro hiram lang ang mga damit at sapatos na isinusuot niya.

Kahit hatinggabi na ay kinakatok nila ng kanyang ina ang bahay ng kanilang mga kaibigan para lang makapanghiram ng mga damit na isusuot niya sa taping.

Kapag ganu’ng umabot sa sukdulan ang kahirapan ay natututong mag-ingat sa kanyang kinikita ang kahit sino. Ginagawa niyang inspirasyon ang mga biyayang tinatanggap niya na nagdamot sa kanya nu’ng bata pa siya.

Napakaganda ng resulta ng pagiging masinop ni Bea Alonzo. Napakarami na niyang naipupundar. Ang Beati Farm niya sa Zambales ay isang patunay ng kanyang pagsisikap at pagsasakripisyo.

Ilampung ektarya ‘yun na tinaniman nila ng mga puno ng mangga na napakaayos ng pagkakahilera. Meron din silang mga alagang hayop, palaisdaan, pinatayuan din niya ng mga bahay ang napakalawak na farm.

Nasundan din namin ang kanyang pa-house tour, hindi lang basta malaki ang kanyang bahay, punumpuno ‘yon ng paintings at muwebles na hindi biro ang halaga.

Pangarap niya talaga ang magkaroon ng bahay kung saan magiging kumportable ang kanyang pamilya. Binabalikan niya ang nakaraan na halos magkapalitan na sila ng mukha ng kanyang ina at mga kapatid sa kaliitan ng kanilang tirahan.

Kapag napagod na sa pag-aartista si Bea Alonzo at kapribaduhan na ang gusto niya ay siguradong hindi siya matutulad sa ibang artistang nagkamal ng salapi pero naghihirap ngayon.

“Maraming taon po bago ko naipundar ang lahat ng meron ako ngayon, nabiyayaan lang po ako at iningatan ko naman ang pinaghihirapan ko.

“Kulang po ang basta pasasalamat lang kay Lord sa naging resulta ng pagsisikap ko. Sobrang salamat talaga,” pahayag ng magandang aktres.

The post Male personality mabils nakalimot first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments