
Mga bagong mukha ang hari ng 1st Philippine Basketball Association 3×3 Lakas ng Tatlo Leg 3.
Puminta si Kenneth Mocon ng 9 points at kinalos ng Sista Super Sealers ang Pioneer Pro Tibay 21-13 sa one-game finale Linggo ng gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Nagdagdag ng 6 si RJ Argamino, may 4 si Paolo Rivero at ibinulsa ng Sista ang P100K top prize ng two-day hoopfest.
Biniyayaan ng P50K ang Pioneer na binitbit ng 6 points ni Gian Abrigo.
Sa semifinals, nilaktawan ng Super Sealers ang Purefoods TJ Titans 19-15 at inungusan ng Pioneer ang dating unbeaten Terrafirma 16-15.
Pinagdiskitahan sa battle for third ng Dyip ang Titans 21-16 para i-salvage ang P30K premyo.
Dinedicate ng Dyip ang mga laro para kay team captain Roider Cabrera na isinugod sa ospital matapos mag-collapse sa kasagsagan ng Leg 2. Naglagay ang players ng No. 2 patches sa sleeves ng kanilang jerseys para sa kakampi.
Unbeaten sa limang laro ang Terrafirma bago naubusan sa Pioneer 16-15 sa semis.
Kontra Titans, bumomba si Matt Salem ng 11 points para itulak ang Dyip sa panalo. (Vladi Eduarte)
0 Comments